Inalis at pinalitan ang mga hepe at officers-in-charge sa 19 na police stations sa Davao City epektibo nitong Lunes, July 8, 2024.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing ililipat ang mga tinanggal na opisyal sa iba’t ibang tanggapan ng kapulisan ng Provincial Rregional Office (PRO)-10.
“Ang 19 ka police stations nga mga station commanders and officer-in-charge kay na-relieve effective July 8, 2024,” paliwanag ni Police Regional Office-Davao (PRO-11) Spokesperson, Police Major Catherine Dela Rey.
Sinabi pa ni Dela Rey na ang paglilipat ng mga opisyal ay desisyon na nanggagaling sa Regional Director, at bahagi ng kanilang trabaho.
“Ang pagkaka-relieve nila is part sa trabaho. Duty sa regional director to assign and reassign police officers as he deemed fit. And it doesn’t mean nga na-relieve and mga station commanders kay maapektuhan ang security ug gina-enjoy na peace and order karon sa Davao region,” ayon kay Dela Rey.
“Depende na sa provincial director kung asa sila na mga offices ibutang,” dagdag niya.
Nilinaw din ni Dela Rey na ang pag-alis sa mga opisyal ng Davao City police ay walang kinalaman sa nangyaring paghahain ng arrest warrants laban kay Pastor Apollo Quiboloy noong June 10, 2024.--FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment