Nauwi sa trahediya ang pagsabok ng isang 43-anyos na babae sa water sports activity na jumping balloon sa isang resort sa Lapu-Lapu City, Cebu. Halip kasi na sa dagat, sa jumping balloon uli siya bumagsak.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Lunes, mapapanood sa isang video na nakaupo sa dulo ng jumping balloon ang biktima, saka tumalon ang isang staff sa kabilang dulo nito.
Pero sa halip na tumilapon ang babae sa tubig, sumirko siya sa ere at bumagsak muli sa jumping balloon na una ang ulo bago siya nahulog sa tubig.
Nang mapansin na hindi gumagalaw ang biktima, dito na siya sinaklolohan at dinala sa ospital pero nasawi rin kalaunan.
Inilahad ng pulisya na spinal injury due to water sports activity ang kaniyang ikinasawi, base sa kaniyang death certificate.
“Initial na sinabi ng kapatid na kasama niya nang mangyari ang insidente is so far hindi pa napag-uusapan kung magsasampa ng kaso. Ang sa kanila ay nagpatulong sila na maibalik ang labi sa Cagayan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Christian Torres, spokesperson ng LLCPO.
Inilahad ng manager ng resort na nagbibigay sila ng mga alituntunin bago sumalang ang isang guest sa extreme water sports.
Handa ring magbayad ng danyos ang resort.
Kasalukuyang ipinasara ng Lapu-Lapu City government ang resort habang iniimbestigahan ang insidente.–Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment