Isang pamilya sa Mindanao ang naghinagpis nang may makita silang bangkay ng babae na inakala nilang ang kaanak nilang dinukot. Pero kinalaunan, nalaman nilang buhay ang kanilang kaanak na nasa Maynila. Pero sino kaya ang bangkay na kanilang nakita at inilibing?
Noong Hulyo 3, nagpaalam si Alma sa kaniyang tiyahin sa Cotabato City na si Hadji Dabpil na kukunin lamang ang ipinadalang pera ng kaniyang inang OFW na si Rohama na nagtatrabaho sa Saudi Arabia, ayon sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Ngunit ayon kay Dabpil, hindi pa umuuwi si Alma noong 8 p.m. kaya nagsimula nang hanapin ng kaniyang amang si Datubhon ang anak.
Nag-chat naman ang kaniyang kapatid na si “Rose” sa mga kaibigan ni Alma, ngunit wala siya roon.
Hanggang sa makatanggap sila ng tawag mula kay Alma na humihingi ng tulong dahil isinakay umano siya sa itim na van, at mula noon ay wala na silang naging balita.
Hanggang noong Hulyo 6, natagpuang palutang-lutang ang isang bangkay ng babae sa Parang, Maguindanao del Norte, na lagpas dalawang oras ang layo mula sa Cotabato City.
Kumbinsido ang pamilya ni Alma na siya ang babaeng ito dahil sa iksi ng buhok at suot na singsing.
Ngunit ang kaniyang lolo na si Monib Musa, hindi naniniwala, dahil magkaiba ang kanilang mga mata.
Dahil walang ibang nag-angkin sa bangkay, ini-release na ito ng pulisya, at iniuwi ng pamilya ni Alma sa Datu Sinusat sa Maguindanao del Norte, at kanilang inilibing.
Hindi pa sila natatapos magluksa nang makalipas ang ilang araw, muli silang nakatanggap ng tawag na nasa Maynila si Alma, na pinaniniwalaan nila noong una ay patay na.
Kaya naman ang kaanak nilang nasa Maynila na si Luminog Embel, agad na pinuntahan si Alma. Nang mamataan, iba na ang kinikilos ni Alma at tila hindi makakilala.
Hindi rin ito makausap at makapagsalita nang maayos sa simula.
Iginiit ni Alma, na nasa pangangalaga ngayon ni Embel sa Dipaculao, Aurora, na wala siyang maalala kung paano siya napunta sa Maynila.
“Wala na akong matandaan masyado. Ang natandaan ko lang ‘yung kinuha ako ni tito,” sabi ni Alma.
Isang manpower agency ang naging daan para mahanap si Alma, at sila rin ang nagdala sa dalaga sa Maynila para maging kasambahay.
“Hindi namin ni-recruit. Nag-apply siya sa amin through online,” sabi ng may-ari ng agency na si Sonia Dimabayao.
Ang manpower agency din ni Dimabayao ang sumagot sa pamasahe ni Alma.
Ngunit plano nilang pauwiin si Alma dahil bukod sa hindi na-briefing, wala rin itong dalang mga gamit.
Itinanggi ni Dimabayao na sindikato sila.
Si Alma, umamin na nag-apply siya sa abroad at may nakausap na siyang babae.
“Ginusto ko lang naman ‘yun kasi gusto kong makatulong,” sabi ni Alma.
Ang tanong ngayon, sino ang bangkay na nakita?
Noong July 12, isang pamilya naman ang nakipag-ugnayan sa pulisya na naniniwala na kaanak nila ang nakitang bangkay ng babae.
Ayon kay Jean Pagayao, dalawang linggo nang nawawala ang hipag niyang si “Minda,” ‘di tunay na pangalan.
At batay sa paglalarawan ng pulisya sa bangkay, naniniwala siya na si Minda ang bangkay.
Nitong noong nakaraang linggo, nakatanggap sila ng balita na nakita si Minda sa Zamboanga del Sur, na buhay din.
Kaya ang tanong kung sino ang bangkay na nakita, nanatiling palaisipan. Panoorin ang buong kuwento sa video.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment