Patay matapos magbaril umano sa sarili ang isang lalaking Chinese national at hinihinalang miyembro ng kidnapping group sa Pampanga. Aarestuhin sana ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek dahil sa pagiging overstaying foreigner.
Ayon sa BI, sinalakay ng kanilang mga tauhan sa fugitive search unit (FSU) ang isang condominium building sa Angeles City para arestuhin ang umano’y overstaying foreigner at mga kasamahan nito.
Pero sa halip na sumuko, tinangka umanong tumakas ng mga dayuhan kaya nagkaroon ng habulan.
Naaresto ang mga suspek na sina Feng Zhengheng, 29; Chou Yibo, 33; at Wang Yan, 25. Samantalang nagbaril naman umano sa sarili at nasawi kaysa sumuko si Wu Fu Wen, 35-anyos.
Ayon kay BI Commissioner Normal Tansingco, lumilitaw sa imbestigasyon na suspek umano ang mga Chinese citizen sa pagpatay sa siyam na dayuhan na nakita ang mga bangkay sa magkakaibang lugar sa Pampanga sa nakalipas na mga buwan.
Anim sa mga biktima ay Chinese, habang mula sa Vietnam, Malaysia, at Japan, ang tatlong iba pa.
Nakadetine sa BI detention facility ang mga naaresto habang patuloy ang imbestigasyon tungkol sa kanila.
Inihahanda ang deportation charges laban sa kanila.
Ayon sa BI, taong 2019 pa nasa bansa ang mga suspek at hindi nag-apply ng extension sa kanilang pananatili sa Pilipinas. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment