Inararo ng isang dump truck ang nasa 15 na concrete at plastic barriers sa bahagi ng EDSA-Bansalangin sa Quezon City madaling araw ng Linggo.
Nangyari ang insidente pasado alas tres ng umaga sa southbound lane ng EDSA-Bansalangin na sakop ng Barangay Veterans Village, ayon sa ulat ni Christian Maño sa Super Radyo dzBB.
Kwento ng drayber na tumangging magpakilala, galing siya sa Malabon at patungo sa West Avenue para humakot ng lupa sa tinatayong MRT-7, nang may sumulpot na motorsiklo.
Para hindi umano ma-aksidente, mas pinili ng drayber na ibangga ang minamanehong truck sa barrier kaysa mahagip ang motorsiklo.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pahirapan ang paghakot sa truck.
Bagamat meron nang towing truck, kinailangan pang i-angat ang nguso ng dump truck na umipit sa 14 na concrete barriers at isang plastic barrier.
Kita sa videos ng Super Radyo dzBB ang dump truck na nakatigil sa bahagi ng EDSA kaninang madaling araw, habang ang mga bato mula sa mga nadurog na barriers ay nagkalat sa kalsada.
Wala umanong laman ang dump truck nang mangyari ang insidente. —Giselle Ombay/KG, GMA Integrated News
Be the first to comment