Nahuli-cam sa Kathmandu, Nepal ang pagbagsak at pagliyab ng isang maliit na eroplano na kakalipad pa lang. Sa 19 na sakay nito, himala na may isang nakaligtas–ang piloto.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang eroplano na patagilid ang lipad hanggang sa bumagsak at nagliyab.
Kakalipad pa lang ng eroplano ng Saurya Airlines sa Tribhuvan International Airport, nang mangyari ang trahediya.
Ayon sa mga awtoridad, patungo sana ang eroplano na Borbardier CRJ 200 sa bagong bukas na Pokhara airport. Sakay nito ang dalawang piloto at 17 technicians, para sa regular maintenance.
Tanging ang piloto lang ang nakaligtas sa trahediya na dinala sa ospital para gamutin ang tinamong mga sugat.
Kaagad na rumesponde ang mga bumbero para apulahin ang sunog.
Sa mga larawan na inilabas ng awtoridad, makikita ang matinding pinsala ng eroplano na nakalasog-lasog, at may mga parte na labis na nasunog.
Hindi pa inihahayag ng mga awtoridad kung ano ang posibleng dahilan kung bakit biglang bumagsak ang eroplano.
Ayon sa isang opisyal ng Saurya Airlines, 50-seater ang bumagsak na eroplano.
Umaasa ang mga naghihinagpis na kaanak ng mga nasawing sakay ng eroplano na mabibigyan ng linaw kung bakit nangyari ang trahediya, at papanagutin kung sino man ang may pagkukulang.
Itinuturing na isa ang Nepal sa mga lugar na pinakadelikado sa air travel. Napapaligiran kasi ito ng mga puno na dahilan para madaling magbago ang direksyon at lakas ng hangin na nakakaapekto sa lipad ng eroplano.
Sa ulat ng Reuters, sinabing mula 2000, halos 350 tao ang nasawi dahil sa plane o helicopter crashes sa naturang Himalayan country.
Noong 1992, nasawi ang 167 na sakay ng Pakistan International Airlines Airbus nang bumagsak ito sa gilid ng bundok habang papunta sa Kathmandu.
Noong Enero 2023, nasawi naman ang 72 katao nang bumagsak ang Yeti airlines sa Pokhara dahil umano sa pagkakamali ng mga piloto na patayin ng power ng eroplano. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment