MANILA, Philippines — Dahil sa kabiguang dumalo sa mga pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y mga criminal activities sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), pinaaaresto na ng mga senador si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at pitong iba pa.
Ang kautusang arestuhin si Guo ay kasunod sa nilagdaang arrest order nina Senate President Francis Escudero at Senador Risa Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, nitong Hulyo 11.
Ang iba pang pinaaaresto ng Senado ay sina Dennis Lacson Cunanan, Nancy Jimenez Gamo, gayundin ang mga magulang ni Guo na sina Jian Zhong Guo at Wen Yi Lin, at mga kapatid na sina Seimen, Sheila at Wesley.
Nakasaad sa naturang arrest order ang pag-aresto at pagkulong kay Guo at kanyang mga kasama sa Office of the Sergeant at Arms hanggang dumalo sila at humarap sa komite.
“The Sergeant-At-Arms is hereby directed to carry out and implement this Order and make a return hereof within twenty-four (24) hours from its enforcement,” nakasaad sa kautusan.
Ang kautusan ay ginawa dahil sa hindi pagdalo ni Guo at pito pang nabanggit sa magkasunod na Senate hearing noong Hunyo 26 at Hulyo 10.
Matatandaan na pina-cite in contempt ni Hontiveros sila Guo noong Hulyo 10 dahil sa magkahiwalay na mosyon nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Sherwin Gatchalian.
Lumiham sa Senado si Guo na hindi siya “physically and mentally fit” para dumalo sa pagdinig noong Hulyo 10 pero hindi ito tinanggap na dahilan ng mga senador.
Be the first to comment