Agaw-buhay sa ospital ang isang kargador matapos saksakin ng sirang payong sa Parola Compound sa Maynila.
Ang ugat daw ng krimen ay dahil sa “dura.”
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag inuman noon ang biktima nang umuwi ang suspek na kanyang katrabaho at kapitbahay.
Pinagbintangan daw nito na dinuraan ng suspek ang kanyang tsinelas.
Maya-maya, naghamon na ng away ang biktima at dinuraan naman nito ang suspek na naging dahilan kaya nauwi sa pisikalan.
Dito na raw nakakuha ng sirang payong sa basurahan ang suspek na itinarak niya sa dibdib ng biktima.
Nahagip pa sa CCTV ng barangay ang pagdaan ng biktima na nakahawak sa kanyang dibdib.
Agad naman tumakas ang suspek pero mabilis din nahuli ng awtoridad.
Hindi naman na narekober ang sirang payong na ginamit sa krimen dahil naitapon na umano ito sa ilog ng suspek.
Ayon sa suspek, pinagsisisihan niya ang kanyang nagawa at umaasang gagaling pa ang biktima.
Napag alaman naman na dati nang may alitan ang biktima at suspek.
Nireklamo daw nito ang suspek sa barangay dahil palaging dumudura sa harapan ng kanilang bahay.
Sa ngayon ay nasampahan na ng reklamong frustrated murder and suspek. — BAP, GMA Integrated News
Be the first to comment