Isang lalaki sa Cebu City ang may kakaiba raw na talento na kayang lantakan ang nag-aapoy na baga. Paano niya kaya ito nagagawa?
Sa programang “AHA!,” sinabi ni Gerwin Paraginog na dalawang dekada na siyang kumakain ng apoy.
Nagsimula raw ang interes niyang matutong kumain ng apoy nang minsan na may magtanghal sa kanila na circus.
“May dumayo sa amin na circus tapos naintriga ako, sumali ako. Du’n nakita ko yung nagpe-perform na kumakain ng apoy,” ayon kay Gerwin.
Aminado naman siya na nasaktan siya noong una siyang lumantak ng apoy at apat na araw siyang hindi nakakain dahil sa tinamong mga paso sa loob ng kaniyang bibig.
Pero dahil sa gusto talaga niyang matuto ng pagkain niya ng apoy, kaya nang gumaling ang mga paso sa kaniyang bibig, inulit niya ang pagkain ng apoy.
Nang tumagal nang tumagal, sinabi ni Gerwin na natutunan na niya ang tamang diskarte para hindi mapaso.
Para patunayan ni Gerwin na walang daya sa kaniyang pagkain ng nag-aapoy na baga, nagtawag pa siya ng mga tao sa kanilang lugar para manood.
Kumuha muna ng mga kahoy si Gerwin na kaniyang sinilaban. At nang maging uling na nag-aapoy na, sinimulan na niyang magmukbang.
Ayon sa AHA!, may iba’t ibang factor para sa pain tolerance ng isang tao. Kabilang dito ang genes, edad, kasarian, at dating karanasan.
Pero may mga tao rin umano na sadyang manhid o walang nararamdamang sakit na tinatawag na congenital insensitivity to pain with anhidrosis (CIPA).
Isa umano itong pambihirang kondisyon na hindi konektado nang maayos ang pain sensing nerve sa bahagi ng utak na nakatatanggap ng pain messages.
Pero napakabihira umano ng kaniyang disorder na nangyayari lang sa 1 in 125 million people.
Samantala, ipinaliwanag naman ng isang duktor ang peligro ng ginagawa ni Gerwin sa pagkain ng apoy, lalo na ang baga na maaaring makaapekto sa kaniyang kalusugan sa hinaharap. Alamin sa video kung ano. Panoorin.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment