MANILA, Philippines — Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations ng awtoridad sa pitong kataong nawawala matapos na dumanas ng malawakang pagbaha ang malaking bahagi ng rehiyon ng Mindanao dulot ng malalakas na pag-ulan na dala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na ikinasawi ng limang katao, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi), lima katao ang iniulat na nasawi at 19 pa ang iniulat na nasugatan sa matinding pagbaha sa rehiyon nitong Biyernes.
Isa sa mga grabeng naapektuhan ng pagbaha ay ang Maguindanao del Morte at ilang bahagi ng Lanao del Sur. Nasa 4,000 residente sa Matanog, Maguindanao del Norte ang naapektuhan ng pagbaha.
Hindi naman madaanan ang bahagi ng Narciso Ramos national highway sa Balabagan, Lanao del Sur ma nag-uugnay sa mga bayan ng BARMM patuong Zamboanga Region na pansamantalang isinara sa trapiko nitong Biyernes dakong alas-6:40 ng gabi hanggang alas-11 ng umaga nitong Hulyo 13.
Nakaapekto rin ang pagbaha sa Kapatagan, Lanao del Sur na nag-uugnay sa bayan ng Wao ng lalawigan at Kalinganngan sa Bukidnon na isinara sa trapiko dakong alas-9:45 ng gabi nitong Biyernes sanhi ng landslide. Binuksan naman ang highway dakong ala-1:30 ng madaling araw.
Noong Biyernes ng gabi, nag-isyu na ng “orange warning” ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Lanao del Sur na nangangahulugan lamang ng malalakas na pag-ulan na aabot sa 75,000 hanggang 150,000 drum sa lalawigan.
Kabilang sa mga dumanas ng malalakas na pag-ulan ang Zamboanga Peninsula, Sultan Kudarat, Misamis Occidental at Lanao del Norte.
Dahil sa pagbaha sa runway ng Zamboanga International Airport, kinansela rin ang mga flights sa lungsod habang nalubog din sa baha ang lungsod ng Cotabato dulot ng malalakas na pag-ulan.
Nitong Sabado ng umaga ay hindi pa rin madaanan ng mga behikulo ang Kalamansig-Palembang Road dulot ng landslides at pagkapinsala ng tulay sa Brgy. Sta Clara sa Kalamansig habang ang Kalamansig-Lebak Road ay binuksan na nitong Sabado matapos ang clearing operation sa landslide. Lumubog din sa baha ang mga palayan sa Kiamba, Sarangani.
Be the first to comment