Nahaharap sa reklamo ang isang Navy officer matapos niyang sapilitang kunin ang baril ng isang guwardiya sa Lapu-Lapu City, Cebu. Ang pinag-ugatan ng kanilang alitan umano, ang paninita ng guwardiya sa Navy officer dahil wala itong bagong car sticker ng subdivision.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapapanood na kinausap ng naka-unipormeng Navy officer, na may dala-dalang baril, ang guwardiya na nakasakay sa e-bike sa labas ng isang subdivision noong Biyernes.
Ilang saglit lang, dito na sapilitang kinuha ng Navy officer ang service shotgun ng guwardiya.
Sa hiwalay naman na ulat ng GMA Regional TV, tumawag na ng pulisya ang mga opisyal ng homeowners association matapos agawin ng suspek ang baril ng guwardiya. Hindi naman umalis sa eksena ang Navy officer.
Dumating ang pulisya at Special Weapons and Tactics (SWAT) team para tugunan ang sitwasyon, at sumama at nakipagtulungan naman ang Navy officer sa imbestigasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na galit ang naturang sundalo sa mga guwardiya ng subdivision dahil lagi siyang hinahanapan ng bagong car sticker ng subdivision.
Nakapagpiyansa na ng P36,000 ang Navy officer para sa kasong grave coercion.
Hiniling naman ng guwardiya na madestino siya sa ibang lugar dahil natatakot na siya para sa kaniyang seguridad.
“Gusto ko talaga na ituloy ang kaso, sampahan ko talaga siya ng kaso matapos ng kaniyang ginawa sa akin. Kung pinaputok niya ang kaniyang baril, kawawa ang pamilya ko,” sabi ng guwardiya.
Hindi nagbigay ng kaniyang panig ang Navy officer. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
Be the first to comment