Binuksan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Huwebes sa A. Mabini St. sa Malate, Manila ang one-stop center na tutugon sa mga pangangailangan ng mga seafarer o marinong Pilipino.
Ang tinatawag na “Alagang OWWA: Seafarers’ Welfare Hub”ay magsisilbing information center tungkol sa karapatan at prebilehiyo ng mga sea-based overseas Filipino worker.
Kasama rin dito ang pagbibigay ng serbisyo ng OWWA at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa mga marino.
Tatanggap din ang searers’ hub ng walk-in legal assistance sa pakikipagtulungan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Magsisilbi ring lugar para sa training at workshops ang center.
“The hub addresses the critical need for comprehensive and dedicated support for OFW seafarers, ensuring their welfare and safety. This initiative aligns with the OWWA’s mandate and international commitments to protect labor rights and promote decent work for seafarers,” ayon sa briefer ng programa.
Bukod sa tulong na ipagkakaloob, maaari ding magpahinga rito ang mga marino na may complimentary refreshers, internet at puwedeng tumawag sa kanilang pamilya.
“Ang Seafarers’ Hub ay parang isang mini-paradise para sa ating mga kabayang seafarers na madalas makikita sa Kalaw,” ayon sa pahayag ng OWWA. “Hindi na kailangan maglagi sa tabi-tabi o maghanap ng masisilungan. Dito na kayo sa Hub may libreng Wi-Fi, charging stations, cozy lounge areas, at kapehan.”
“Perfect spot para mag-relax habang naghihintay ng inyong mga transaksyon sa mga recruitment agencies,” dagdag nito.
Kamakailan lang, sinabi ng Department of Migrant Workers na nagkaroon ng all-time high deployment ng mga Pinoy seafarer noong 2023 na umabot sa mahigit 500,000. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment