Nagkalat at umaalingasaw na nang madatnan ng mga awtoridad ang tone-toneladang patay na isda, sa pampang sa Santiago River sa Jalisco, Mexico. Ang mga isda, posibleng nasawi dahil sa toxic chemicals.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng mga awtoridad na nanggaling ang toxic chemicals sa manufacturing, automotive at food industries sa Jalisco.
Ang Jalisco ay kilala bilang major producer ng farming products sa western state ng Mexico.
Dati nang isang tourist attraction ang Santiago River at ang Juanacatlan Falls dahil malinis at malinaw ang tubig dito noon.
Bukod dito, binansagan ding Niagara Falls ng Mexico ang Juanacatlan Falls.
Ngunit mula sa pagiging magandang pasyalan, mabaho na at maruming ilog na lang ito ngayon.
Kumuha na ng sample ang mga awtoridad galing sa ilog upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda.
Matatandaang noong Hunyo, libo-libong isda rin ang namatay sa Anahuac, Chihuahua sa Mexico dahil naman sa matinding tagtuyot. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment