Nasawi habang nagsasanay sa isang racetrack sa Compostela, Davao de Oro ang 13-anyos na motocross rider na kilala bilang si “AJ30 King Cobra” sa motocross community.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ni Ruel Sr., ama ng nasawing binatilyo na si Ruel “Arjay” Gonzaga, Jr., na nagsasanay ang kaniyang anak gamit ang 65cc motorbike para maging pamilyar sa racetrack nang tamaan ito ng isa pang motorsilo.
“Nilarga sya, naay nadisgrasya didto, layo ra, nabuy-an niya ang motor ba. Ang motor, nitabok sa pikas lane…Timing gyud kaayo, mga seconds lang gyud ba nga didto gyud nitugpa sa iya ang motor,” ayon sa nakatatandang Ruel.
Nakilala ang nakababatang Ruel sa motocross community sa loob lang ng isang taon matapos sumali dahil madalas siyang manalo.
Nalulungkot si Ruel Sr., na ang isport na kinahiligan ng kaniyang anak ang naging dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Umaasa siya na magiging leksyon sa mga organizer at motocross community ang nangyari sa kaniyang anak.
“Bawal gyud mag-practice ang mga bata kung naay mga dagko. Kini nga sports, tagaan unta og pagtagad sa gobyerno nga taga LGU, tarungon ninyo og hatag og talent fee ang mga rider kay di basta basta ang ilang gibuhat para malingaw lang ang inyong lungsod,” sabi ni Ruel Sr.
Nakipag-ugnayan na umano sa pamilya ni Ruel ang pamilya ng isa pang rider na nasangkot sa insidente, ganoon ang organizer ng kompetisyon.– FRJ,GMA Integrated News
Be the first to comment