Para matustusan ang pag-aaral, naging sex worker sa murang edad ang 18-anyos na lalaki na itinago sa pangalang “Mikael.” Ang pakikipagtalik niya sa iba’t ibang lalaki, nagresulta ng pagkakaroon niya ng ang sakit na Human Immunodeficiency Virus o HIV, na mag-isa niyang hinaharap.
Sa dokumentaryo ni Kara David na “Kara Docs,” inilahad ni Mikael na edad 17 lang siya nang malaman niya na positibo siya sa naturang sakit.
Ayon kay Mikael, naisipan niyang magpa-test noon nang magkaroon siya ng lagnat na tumagal ng isang buwan/
“Alam ko rin po sa sarili ko na active po ako sa mga sexual activities po,” anang binatilyo.
Sa kaniyang pakikipagtalik sa kaniyang mga kliyente, sinabi ni Mikael na binabayaran siya ng P1,500 hanggang P2,000.
“Bale, iha-hire ka po for, ‘yung makikipag-sex ka sa kanila, ganu’n. Bale, doon po ako kumukuha minsan ng kapag naso-short po ako sa mga tuition po, sa mga exam permits ko po,” kuwento niya.
Maagang naulila sa mga magulang si Mikael, kaya may mga pagkakataong hindi sapat ang ipinaaabot na suportang pinansyal ng kaniyang mga kamag-anak para sa kaniyang matrikula.
Kaya naghanap siya ng mapagkukunan ng pera para matustusan ang kaniyang sarili sa pag-aaral.
“Merong app kasi na in-introduce po ako sa isang, bale, hooking app po siya. Tapos doon na po ako napasok na, magpo-for hire ka pero ganiyan-ganiyan,” kuwento ni Mikael.
Pag-amin ni Mikael, may pagkakataon na hindi siya gumagamit ng proteksyon kapag nakikipagtalik.
“Minsan po gumagamit, minsan po hindi, although aware naman po ako sa puwedeng mangyari. Pero nu’ng time po kasi na ‘yun, parang iniisip ko na siguro, hindi pa naman siguro laganap dito sa province ‘yung ganu’ng sakit,” pahayag niya.
“Alam ko po ‘yung risk, pero parang doon po kasi nagbe-base lang ako sa physical appearance ng tao po. Na kapag mukha naman siyang healthy, siguro naman wala, ganu’n,” pagpapatuloy niya.
Marso 2023 nang lumabas ang resultang positibo siya sa HIV.
Hindi niya ito sinabi sa mga miyembro ng kaniyang pamilya dahil sa usapin ng pagiging “homophobic.”
“Naita-topic din po ‘yung HIV sa mga balita, ganu’n. ‘Ikaw, kapag nagkasakit ka ng ganyan, bakla ka pa naman. Palalayasin kita,’ or ‘ipatitigil kita sa pag-aaral.’ Nakakakuha po ako ng ganu’ng threat, kaya hindi po ako open sa kanila,” kuwento ni Mikael.
Walang nakakaalam sa miyembro ng kaniyang pamilya at mga kaibigan na HIV positive si Mikael.
“Sa family ko po, wala po talaga, kahit sino. So, bale, mag-isa ko pong in-overcome po lahat, pati ‘yung mga laboratories. Kahit mga friend ko, hindi ko po mapagsabihan,” paglalahad niya.
“Kasi sure po akong andu’n magkakaroon ng discrimination, especially po na alam po natin lahat na hindi po lahat ng tao is educated sa ganitong sakit,” sabi pa ni Mikael kaya hindi niya sinasabi sa pamilya ang kaniyang problema.
Inilahad ni Mikael na bihira siyang may masandalan sa pinagdaraanan niyang problema.
“Wala po talaga eh. Pero minsan, strangers po sa Facebook pero anonymously lang po. Hindi ko po talagang nilalantad ‘yung identity ko,” sabi niya.
Maliban sa dumadaming kaso ng HIV sa Pilipinas, nakababahala rin na pabata nang pabata ang mga nahahawa nito. Lumabas sa datos ng Department of Health na dumarami na rin ang kaso ng mga menor de edad na HIV positive.
Nahirapan din si Mikael na makakuha ng gamot dahil sa limitasyon para sa mga menor de edad na nakasaad sa batas.
Base sa Philippine HIV and AIDS Policy Act, HIV testing lang ang malinaw na maaaring gawin ng mga edad 15 hanggang 17 nang walang consent o pahintulot ng mga magulang bilang mga menor de edad.
Hindi malinaw sa batas ang access ng mga menor de edad sa iba pang mga serbisyo na may kinalaman sa HIV primary care gaya ng ART, PrEP, at pati ang pagbili o pagkuhan ng libreng condom.
Hiling ng mga HIV awareness advocate na amyendahan ang batas na ito upang mapayagan ang mga menor de edad para sa mga ganitong uri ng serbisyo.
Sinabi naman sa Philippine National AIDS Council (PNAC), na kasalukuyan na nilang inaasikaso ang pag-amyenda sa batas ukol sa HIV at AIDS.
Bukod dito, kailangan din ng suportang emosyonal ng mga taong may HIV dahil hindi biro ang epekto nito sa kanilang mental health, lalo pa’t laganap pa rin ang diskriminasyon sa mga taong may HIV.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment