Napabalik ng Pilipinas ang isang 53-anyos na overseas Filipino worker (OFW) mula Middle East para kunin ang kaniyang P27,450,306.20 na premyo matapos manalo sa eLotto noong Hulyo 11.
Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing natumbok ng OFW ang winning combination na 33-17-40-09-42-20 para sa Lotto 6/42.
Ayon sa PCSO, 20 taon nang nagtatrabaho abroad ang naturang OFW para tugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Sa tuwing uuwi siya sa kanilang lugar, naglalaro siya ng lotto at tinatayaan ang mga numero na hango sa petsa ng kapanganakan ng mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Ngunit dahil mayroon nang eLotto, madali na siyang nakasali kahit pa nasa Middle East siya. Nilunsad ng PCSO ang eLotto noong nakaraang taon.
Dahil sa kaniyang panalo sinabi ng OFW, na milyonaryo na ngayon, na posible na siyang manatili sa Pilipinas. Plano rin niyang maglaan ng bahagi para sa pagnenegosyo at medikal na pangangailangan.
Ayon sa Republic Act 1169, may isang taon mula sa draw date ang mga nanalo upang kunin ang kanilang premyo sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City. — VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment