Isang babae ang nasawi na tumangging magpadala sa ospital matapos manganak sa bangketa sa Cebu City. Ang kaniyang sanggol, hindi na rin nakaligtas.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, kinilala ang ginang na si Mar Ann Tapos, 35-anyos, na nagsilang sa bangketa sa General Maxilom Avenue.
Isang babaeng traffic enforcer ang nakakita na lumalabas na ang ulo ng sanggol, at isang nurse na napadaan sa lugar ang tumulong sa kaniya para mailabas ang bata.
“Nakita namin na lumabas na ang ulo ng bata, tila nangingitim na dahil hindi pa tuluyang makalabas. Ayun, may nurse na dumating tinulungan siya mailuwal ang sanggol,” ayon sa traffic enforcer na si Sheila Marie Nicolasora.
“Pero patay na nang mailabas ang sanggol tapos yung umbilical cord, hindi din lumabas,” dagdag niya.
Nang dumating ang mga medical staff para dalhin siya sa ospital, tumanggi umano ang babae at pumirma ng waiver.
“Sabi niya ‘kaya ko naman huminga, nakakahinga na ko’. Sinabihan niya pa yung doctor ‘pineperahan niyo lang ako, pagpapraktisan kaya ibaba na ninyo ako,’” kuwento ng kaibigan niya na si Marie Seno.
Ayon sa live-in partner na si Sherwin Sumagang, takot umano ang babae sa injection at wala na silang nagawa kundi sundin ang gusto nito na huwag dalhin sa ospital.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment