Para ganahan ang mga estudyante na pumasok araw-araw sa kanilang paaralan sa kabundukan ng Bonifacio, Misamis Occidental, naisipan ng isang guro na magbigay ng masarap at libreng pagkain. Bukod sa libreng baon, tumutulong din ang guro na makakuha ng scholarship ang ilang mag-aaral.
Sa isang episode ng programang Good News, ipinakita ang viral videos habang nagbubukas ng kanilang mga baon ang mga mag-aaral ng Bag-ong Anonang Diut Elementary School dahil sa masarap na tanghaliang inihanda ni teacher Jeric Bocter Maribao.
“Nagsimula po ako magturo dito sa bundok way back 2018. After the pandemic, isa sa mga effect ng limited face-to-face, wala nang gana ‘yung mga estudyante na pumasok dito sa eskuwelahan,” sabi ni Jeric.
Kaya nag-isip ng paraan si Jeric para muling ganahan ang mga mag-aaral na pumasok, at naisip niyang magbigay ng libreng baon sa mga bata.
Napansin daw kasi ni teacher Jeric ang mga ulam sa baon ng mga estudyante na tuyo, itlog, asin, o kung minsan ay kanin lang talaga at walang ulam.
‘Yung mga first two months, nagiging effective siya hanggang sa tinutuloy-tuloy ko siya hanggang ngayon. So, I’ve been doing this for already three years,” sabi ni Teacher Jeric.
Hanggang sa naging araw-araw na ang pagpapakain ni teacher Jeric sa mga bata.
May hugot din si teacher Jeric kung bakit siya nagmamagandang-loob sa mga bata. Aniya, noong nag-aaral siya, P5 lang ang kaniyang baon hanggang sa magkolehiyo.
Lumaki si Teacher Jeric na walang tatay kaya ang tanging nagtaguyod sa kanila ay ang kanilang nanay.
“Kinder pa lamang ako or grade one, iniwanan na kami ng papa ko. Isa sa mga motivation ko ay ‘yung mga encouragement na mga salita galing sa aking mama na kahit na anong mangyari, walang makapagpipigil sa aking ambisyon na makuha,” sabi ni teacher Jeric.
Kaya tumutulong na si Jeric sa kaniyang ina sa paghahanap-buhay noon at naranasan niyang magtinda ng balut, maging server, at mag-photocopy ng mga aklat.
Dahil sa kaniyang pagsusumikap, nakapagtapos si teacher Jeric ng kursong general education at cum laude pa.
Isang kaibigan din ang tumulong sa kaniya noong nag-uumpisa pa lang siya, na libre siyang pinakain at pinatira sa kanilang bahay.
Pangako ni teacher Jeric kapag kumita na, ibabalik niya ang biyaya sa iba.
“I believe na with my advocacy, these children will be able to finish elementary, high school and college. It’s a great fulfillment po talaga. Bilang isang teacher,” anang guro.
Bukod sa kaniyang suweldo bilang guro, nakakukuha rin ng pondo si Jeric sa pamamagitan ng vlog.
Ngunit noong nakaraang Enero, naharang ang kaniyang Facebook page. Pero sa kabila nito, hindi natigil ang pagpapakain niya sa mga bata, kaya naisipan niyang mag-loan sa bangko.
Ngunit hindi lamang pagkain ang naitutulong ni teacher Jeric sa mga bata, kundi pati na ang kanilang matrikula.
Nagmula ang mga scholarship sa mga follower na rin ni teacher Jeric.
Tunghayan sa Good News ang nakaaantig na pagbibigay ng mensahe ng pasasalamat ng mga estudyante sa kay teacher Jeric na nagpamalas sa kanila ng kabutihang loob.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment