Sa dami ng bahay sa Pilipinas, ipinagtataka ni Senador Risa Hontiveros kung bakit sa bahay umano ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa Tuba, Benguet nakatira ang isang Chinese fugitive na unang inakala na Cambodian.
Dati nang nilinaw ni Roque na korporasyon na mayroon siyang bahagi, ang may-ari ng bahay na dati niyang tinirhan at pinaparentahan niya ngayon.
Sinalakay ng mga awtoridad nitong nakaraang linggo ang naturang bahay sa Benguet para hanapin at arestuhan ang mga dayuhan na may koneksyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operations sa Bamban, Tarlac.
Naaresto sa naturang bahay ang isang babaeng Chinese at isang dayuhang lalaki na may hawak na mga dokumento na nagpapakilala na isa siyang Cambodian.
Pero nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, lumitaw na peke ang mga dokumento ng lalaking dayuhan at lumilitaw na isa siyang Chinese.
Ayon kay Hontivero, batay sa impormasyon mula sa International Criminal Police Organization (Interpol), nasa “red notice” ang naturang Chinese na may pangalang Sun Liming, ay nakalista bilang “fugitive wanted for prosecution.”
“Hindi lang basta-bastang Chinese ang nagtago sa sinasabing bahay ni Harry Roque. Itong si Sun Liming ay bigating pugante na nasa Red Notice ng Interpol,” saad ng senador sa pahayag.
“Kaya nakapagtataka na sa dami ng bahay sa Pilipinas kay Roque pa talaga napunta ang pugante,” sabi pa ni Hontiveros, “It appears this fugitive and Roque run in the same circles.”
Batay umano sa impormasyon mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, sinabi ni Hontiveros si Sun Liming ang IT manager ng Lucky South 99, ang sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ang naturang kompanya ang POGO firm na tinulungan umano ni Roque upang maiapela sa Pagcor ang pagkakautang nito, ayon kay Hontiveros.
Sa isang pagdinig ng komite sa Senado, sinabi ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, na sinamahan ni Roque ang isang Kassandra Li Ong, na authorized representative ng Lucky South 99, sa pakikipagpulong sa kaniya noong July 2023 kaugnay sa hindi nababayarang arrers ng POGO firm at para mabigyan muli ito ng lisensiya.
Sa naunang pahayag ni Roque, sinabi niya na sinamahan lang niya si Ong na corporate secretary umano ng Whirlwind Corporation, na kaniya namang kliyente. Ang Whirlwind ay umuupa umano sa Lucky South 99.
“Nakakabahala ang dami ng mga dayuhang kriminal na sa bansa dahil sa POGO. While a ban was already announced, we in the Senate need to craft measures to ensure that this industry never comes back again,” ayon kay Hontiveros.
Nang hingan ng komento tungkol sa pahayag ni Hontiveros, sinabi ni Roque na handa siyang makipagtulungan sa Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), at Bureau of Immigration, at Embassy of China para dalhin sa hustisya ang wanted na Chinese.
“We were unaware that our lessee had allowed a wanted person in China to stay in our corporate property. Had we known this, we would have informed our law enforcers. In this regard, we sincerely apologize to the Chinese authorities,” pahayag ni Roque.
Dagdag pa ni Roque, “the government has yet to fully ascertain Mr. Sun Liming’s connection to illegal internet gaming operations in the Philippines,” at dapat hayaan umano ni Hontiveros sa mga pulis ang imbestigasyon.
“Senator Hontiveros should leave the police investigation matters to the police. For now, Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz said they are still probing Mr. Sun Liming’s alleged links with illegal POGOs,” giit niya.
Sinabi pa ni Roque na dapat itigil ni Hontiveros na gamitin sa “political witch hunt” ang isyu ng POGOs o Internet Gaming Licen(s)ees (IGL).
“The lawmaker should also cease her malicious insinuations that I am involved in illegal POGOs. I would never counsel or abet the activities of personalities and online gaming firms that defy the law and undermine the legal profession,” ayon sa dating opisyal.
“Essentially, she is barking off the wrong tree. The Dutertes and their associates are not behind the proliferation of illegal POGOs since 2022,” giit niya. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment