Napasigaw sa sobrang sakit ang isang 14-anyos na dalagita matapos na may pumasok na ipis sa kaniyang tainga habang natutulog sa Zamboanga Sibugay. Pero ang ipis, hindi pala naglungga sa tainga kundi nangitlog pa.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing natutulog noon si Tame Esmas sa kanilang tahanan sa bayan ng Alicia nang makaramdam siya nang sobrang sakit sa kaniyang tainga.
Dahil dito, agad silang humingi ng saklolo sa kapitbahay nilang si Javier Cañete.
Sinilip ni Cañete ang tainga ni Tame pero wala siyang nakita. Hanggang sa napatili sila nang ang ipis na mismo ang sumilip sa kanila.
Lalo pa silang nangilabot nang malaman nila na nangitlog pa umano ang ipis sa loob ng tainga ni Tame.
“Kulay puti po siya. Nanindig po ‘yung balahibo ng katawan ko,” sabi ni Cañete.
Tinangka ni Cañete na kunin ang ipis gamit ng tiyani. Pero nang kaniyang hatakin, naputol ang katawan nito.
“Ang sumama po doon, ‘yung puwet tsaka nandu’n po ‘yung buong itlog,” sabi ni Cañete.
Kalaunan, napansin nilang nagkalat ang mga puting itlog ng ipis, at nangamba silang naiwan pa ang iba sa loob ng tainga ni Tame.
Maingat uling sinungkit ni Cañete ang natirang kalahating katawan ng ipis at tuluyan na itong natanggal.
Lumabas na nasa kalahating pulgada ang haba at one-fourth inch naman ang lapad ng ipis.
Dumugo rin ang tainga ni Tame matapos nito.
Hinala ng mag-ina, nagmula ang ipis sa nakatambak na niyog na kanilang ginagamit sa paggawa ng bibingka.
Ayon kay Dr. Christine Jewel C. Uy-Yabut, entomologist o eksperto sa mga insekto sa UP Diliman, ang pumasok sa tainga ni Tame ay hindi tipikal na ipis, kundi Pycnoscelus indicus o burrowing cockroach.
Talagang mahilig sumiksik ang mga ito at nabubuhay sa buhaghag at mabuhanging lupa o sa mga basurahan. May kakayahan din ang mga ito na maghukay.
“Sa gabi, doon sila maglalabasan, active na magha-hunt. So kapag nagdi-dig siyang ganu’n, so puwedeng dahil sa sobrang small opening, may tendency po na nasugatan din ‘yung tissue sa tainga ng bata. Dahil nga ‘yung legs ng mga ipis ay merong mga spines, pwede pong ‘yun ang nag-cause ng irritation at bleeding,” sabi ni Uy-Yabut.
Ang inakala naman nilang itlog ng ipis, napisa na pala o maliliit na ipis na nasa tainga ni Tame.
Tunghayan sa KMJS ang naging kalagayan ni Tame nang ipasuri sa duktor ang tainga ng dalagita kung may naiwan pang ipis sa loob ng kaniyang tainga. Panoorin.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment