Isang konsehal na tumutol na bigyan ng permit ang sinalakay na POGO firm ang uupong acting mayor ng Bamban, Tarlac, matapos iutos ng Office of the Ombudsman na sibakin na sa puwesto ang suspendidong alkalde na si Alice Guo dahil sa grave misconduct.
Nitong Miyerkoles, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na pansamantalang magiging alkalde ng Bamban si Councilor Erano Timbang, na tatagal ng tatlong buwan.
Ayon kay Abalos, pinawalang-sala ng Ombudsman si Timbang dahil tinutulan niya na bigyan ng permit ang POGO firm na sinalakay sa kanilang munisipalidad, na hinihinala ng mga awtoridad na may koneksyon mismo si Guo.
“Konsehal siya ng Sangguniang Bayan. Councilor siya pero nag-oppose nung kinukuha ang permit. Since he opposed, he was absolved or acquitted by the Ombudsman,” sabi ni Abalos sa mga mamamahayag.
“Siya ngayon ang tatayong mayor for three months, kasi after three months tapos na ang vice mayor, by succession na ‘yan,” paliwanag niya.
Kabilang si Bamban Vice Mayor Leonardo Anunciacion, sa pinatawan ng tatlong buwan na suspensiyon ng Ombudsman dahil sa pagiging guilty sa conduct prejudicial to the best interest of service, kaugnay pa rin ng POGO firm.
Ayon kay Abalos, manunumpa si Timbang sakaniyang pagiging acting mayor sa Camp Crame sa Quezon City ngayong Miyerkoles.
“Sana galangin natin ang desisyon ng korte…Ito ay dumaan sa proseso, sana galangin natin ito,” dagdag ng kalihim.
Sa kaniyang panunumpa, sinabi ni Timbang na nalulungkot siya sa nangyari sa kaniyang munisipalidad.
“Sa ngalan po ng munisipyo ng Bamban, ako po ay nalulungkot sa nangyari sa aming bayan. Nakilala po ang aming bayan sa ganitong pamamaraan,” saad niya.
“Pero rest assured po bilang acting mayor ay gagawin ko po anuman po yung mga naantalang proyekto ng former administration. Lalo ko pong pagsisikapan na gawin yung tungkulin na inatang sa akin ng gobyerno,” dagdag niya.
Kasama rin sa mga lokal na opisyal ng Bamban na sinuspinde ng Ombudsman ng tatlong buwan ay sina:
Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo
Municipal Legal Officer Adenn Sigua
Sangguniang Bayan member Johny Sales
Sangguniang Bayan member Jayson S. Galang
Sangguniang Bayan member Nikko T. Balilo
Sangguniang Bayan member Ernesto Salting
Sangguniang Bayan member Jose M. Salting Jr.
Sangguniang Bayan member Robin Mangiliman
Sangguniang Bayan member Jose Casmo Aguilar
Sangguniang Bayan member Mary Andrei Lacsamana, and
Sangguniang Bayan member Ranier Rivera
–mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment