Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sa Arayat, Pampanga. Ang isa sa mga suspek, napatay naman ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation sa Porac.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing isang lalaki na may tama ng bala ang dinala sa ospital at nasawi nitong Lunes sa Barangay San Agustin.
Ayon kay Police Colonel Jay Dimaandal, Director ng Pampanga Police Provincial Office, kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inalerto ang mga awtoridad para mahuli ang mga salarin.
Sa follow-operation sa bahagi ng Barangay Cangatba sa Porac, Pampanga, nasabat ang isang suspek pero nanlaban umano ito.
“May informant po na tumawag sa atin na allegedly na nakita po itong motor na ito, at dalian po nating pinuntahan po itong lugar at nakita nga po natin ang motorcycle [ng suspek],” ayon kay Dimaandal.
Nang makita ang mga pulis, nagtangka umanong tumakas ang suspek habang nagpapaputok ng baril, dahilan para magkaroon ng engkuwentro.
“Dun na po naghabulan po ang kapulisan po, at ‘yung suspek nagpaputok po… kaya wala pong nagawa po ang ating kapulisan kundi gumanti ng putok,” paliwanag ni Dimaandal.
Lumitaw sa imbestigasyon na may kinakaharap na arrest warrant ang napatay na suspek para sa mga kasong murder at robbery, at sangkot din umano sa ilang insidente pa ng pamamaril sa Porac at Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Nakuha sa suspek ang isang baril na kalibre .45. Patuloy namang tinutugis ang kaniyang kasama.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment