Isang 72-anyos na lolo ang nagtayo ng “aklatan” sa bangketa sa Makati City at dalawang dekada na ring nagbibigay ng mga libro sa mga nangangailangan nang libre. Ang kaniya kasing paniniwala, ang pagbabasa ang susi sa edukasyon.
Sa “DigiDokyu,” ipinakilala si Tatay Hernando Guanlao, o mas kilala bilang si “Mang Nanie,” founder ng Reading Club 2000.
Nagsimula ang lahat kay Mang Nanie nang ayusin niya sa harapan ng kaniyang tahanan na malapit sa bangketa ang 50 libro.
“So biglang nabuhay ang mga aklat na sinimulan ko. Pumasok sa loob ng garahe, umakyat sa loob ng bahay, halos lahat ng lugar sa aming tahanan ay napuno ng mga aklat,” sabi ni Mang Nanie, dahil marami na rin ang nag-donate sa kaniya ng mga libro..
Kaya naman ang tahanan ni Mang Nanie, mistula nang silid-aklatan. Pagpasok sa loob, makikita ang mga donasyong mabibigat na aklat gaya ng mga encyclopedia, religious books, at mga nobela.
Libre ang pagbabasa rito, at pumapayag din si Mang Nanie na huwag nang isauli ang aklat kapag nagustuhang basahin.
Mayroon ding mga aklat para sa mga nasa kolehiyo gaya ng nasa engineering, nursing, education, computer at medisina, at mga nasa K-12.
Mayroon ding pocketbooks at story books na pambata, at nagpapadala rin si Mang Nanie ng mga libro sa mga probinsyang malalayo.
“Hindi ka mauubusan ng ipinamimigay mong tulong sa kapwa. Lalong yumaman ang aking puso at nabusog sa pamamaraan ng pagbibigay-kasiyahan sa mga mambabasa at may hilig magkaroon ng kaniyang mga aklat at mabasa. Bihira kasi ang mga Pilipino na nakakabili ng kanilang aklat lalo na ng mga kabataang nasa probinsya,” sabi ni Mang Nanie.
Ilan sa mga humiling kay Mang Nanie ng mga aklat para sa mga batang nangangailangan si Pastor Edrich Mojica ng AMG Bahay Silungan.
Layunin nina Pastor Edrich at ng kanilang bahay ampunan ang restoration, awareness, reintegration, sustainability, at edukasyon.
“Sa aming program, ‘yung books, it play a vital role for our program. So, ginagamit namin ‘yan as a powerful tool para, sa kanilang learning, healing, and growth,” sabi ni Pastor Edrich.
Si Mang Nanie, sumama na rin sa bahay ampunan nina Pastor Edrich at namigay ng mga libro sa mga bata.
“Mayroon kang tinatawag na satisfaction, fulfillment, sa lahat. ‘Yung ginagawa namin ay malaking naitutulong sa kapwa,” sabi ni Mang Nanie.
Tunghayan sa kuwentong “DigiDokyu” ang naka-aantig na pagbabahagi ni Mang Nanie ng mga libreng libro sa mga bata sa bahay ampunan, at ang kapalit naman na sorpresa ng AMG Bahay Silungan sa kabutihang-loob ni Mang Nanie. Panoon.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment