Dadagdagan ang mga pulis sa mga train station sa Metro Manila dahil na rin sa mga krimen na nangyayari sa lugar, ayon sa Philippine National Police (PNP).
“We opted to deploy more policemen…Only two months ago, nagdagdag tayo ng 392 so aabot na ‘yon ng 827,” sabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga mamahayag sa ambush interview.
“We’re quick enough to increase our deployment kasi nga naisip nga natin na kailangan talaga ito. There are 45 stations at hindi lang yun about the occurrence of focus crimes, paano kung bombing incident,” dagdag niya.
Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Huwebes, sinabi na batay sa tala ng NCRPO, nasa 56 na krimen ang nangyari sa mga train station sa Metro Manila noong 2023.
Mula Enero ngayong 2024, nakapagtala naman ng 26 na krimen sa mga train station sa NCR, pero pinapaniwalaan na mas mataas ang bilang kung may mga krimen na hindi na iniulat sa awtoridad.
Sa panayam ng media, sinabi ni Nartatez na kabilang sa mga krimen na naitala sa mga train station ang theft, robbery, acts of lasciviousness, illegal gambling, illegal drugs, at iba pa.
Inihayag naman ng Department of Transportation (DOTr) na gumagawa rin sila ng mga hakbang para palakasin ang seguridad sa kanilang mga pasilidad sa tren.
Kabilang na dito ang patuloy na pagpapaalala sa mga pasahero na mag-ingat kapag nasa estasyon at maging sa loob ng tren.
Masusi rin umanong nakikipag-ugnayan ang mga tauhan ng train station sa mga awtoridad, at naglagay din ng mga CCTV system.
May mga K9 units din sa mga estasyon at mga train marshall.
Sinabi rin ng DOTr Rail Sector na humiling din sila ng dagdag na pulis para italaga sa mga train station.
“We understand the importance of public trust and confidence in our rail system. The Rail Sector is actively working with all the rail systems to prevent future incidents and ensure the well-being of our passengers,” ayon sa ahensiya.
“We encourage the public to remain vigilant and also ensure that their personal belongings are secure,” dagdag nito. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment