Nangilabot ang mga nakatira sa isang compound sa Bustos, Bulacan nang bigla na lang umandar mag-isa ang isang nakaparadang e-bike sa kalaliman ng gabi. May misteryo nga kayang bumabalot sa nahuli-cam na pangyayari?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na nangyari ang nakakakilabot na insidente sa gilid ng isang paupahang bahay na ilang beses na raw iniwan ng mga nangungupahan dahil din sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari.
Ayon sa nakatira ngayon sa bahay na si Vernie, pinili niyang upuhan ang bahay sa kabila ng mga kuwento ng kababalaghan dahil sa malaki ito at may kababaan ang upa o renta.
Hanggang nitong nakaraang buwan ng Hulyo, nangyari na nga ang hindi inaasahan nang dakong 11:00 pm., at mahimbing na ang tulog ng iba sa compound, bigla na lang umandar na mag-isa ang e-bike nina Vernie.
Ilang beses muna itong umikot sa lugar bago napunta sa ibang direksyon at bumangga sa gate kaya tumigil.
Ang mga nagising sa kalabog dahil sa pag-usad ng e-bike, hindi nagkaroon ng lakas ng loob na lumabas dahil sa takot na baka may ibang puwersa na nagpapaandar sa e-bike.
Pero bago pa man mangyari ang insidente, ikinuwento ni Vernie na nakaramdam na siya ng kakaiba nang minsan siyang nakasakay sa e-bike dahil tila may sumilip sa side mirror nito.
Ipinasuri sa isang mekaniko ang naturang e-bike, at bagaman may napansin siyang mga depekto nito, hindi naman daw iyon maaaring maging dahilan para umandar ito na mag-isa.
Posible umano na naiwanan na naka-start ang e-bike at naka-lock ang manibela kaya umandar ito nang magloko ang throttle ng sasakyan.
Ngunit giit ni Vernie, walang susi ang e-bike tuwing iniiwanan nilang nakaparada.
Upang alamin kung talagang may paranormal na nangyari sa pag-andar ng e-bike na mag-isa, nagsagawa ng imbestigasyon sa lugar ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
Sa labas at maging sa loob ng bahay, may kakaibang naramdaman si Ed, hanggang sa magawi siya sa lugar kung saan nakaparada ang e-bike. Alamin kung ano ang natuklasan ni Ed sa video na ito ng “KMJS.” Panoorin.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment