Nagbabala ang mga eksperto tungkol sa panganib na dulot ng emotional o stress eating, o todo-kain kapag na-stressed.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nagbibigay-saya ang stress eating, ngunit kadalasang “unhealthy” o hindi masustansiya ang mga kinakain ng mga gumagawa nito.
Inilahad ng mga eksperto na posibleng tumaas ang cholesterol o maging diabetic ang mga taong nag-i-stress eating.
Payo nila, mga masustansiyang pagkain ang kainin hangga’t maaari tulad ng mga prutas.
Makabubuti rin kung mag-e-ehersisyo at magkakaroon ng relaxing at healthy environment.
Sa hiwalay na ulat ni Katrina Son sa GTV “State of the Nation,” inilahad ni Ricky Ducas Jr., mental health coordinator sa Baguio City, na naging coping mechanism niya noong panahon ng pandemic ang pagkain.
Hindi na niya namalay ang pagbigat ng kaniyang timbang hanggang sa atakihin siya sa puso at isinailalim sa angioplasty.
Aminado rin ang negosyanteng si Elgiene Paspe na pagkain ang naiisip niya kapag na-i-stress habang nagtatrabaho.
“Kahit papaano, nababawasan yung stress na napi-feel mo. Kapag minsan hindi ka maka-connect sa customer,” ani Paspe.
Ayon kay Dr. Ma. Bernadette M. Arcena, psychiatrist, kahit hindi marami ang kinakain ng isang tao pero madalas siyang kumain at nakararamdam ng kasiyahan, maikokonsidera itong stress eating.
“Stress eating is actually not normal, kasi parang nabubuhos mo ang problema mo sa pagkain at usually ang kinakain mo hindi talaga healthy like chocolates, maybe cakes (or) something sugary,” paliwanag niya.
“Kasi ang feeling natin, ‘pag nandun ang comfort food natin, we are energized,” dagdag niya. — Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment