Sugatan ang 16-anyos na lalaki matapos siyang saksakin umano sa braso at tagiliran ng isa pang menor de edad na nakasagupa nito sa Barangay NBBS Dagat-dagatan, Navotas, Martes ng gabi.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, away-kalye ito ng mga kabataan na nagsimula sa suntukan at nauwi sa pananaksak.
Agad naman itinakbo sa ospital ang nasaksak na lalaki.
“Iyong nakuwento ng naging witness natin, ‘di umano, away ng kabataan. Iyong isa pong minor, nagtamo ng saksak sa kaliwang parte ng kaniyang tiyan at sa balikat. Iyong suspek natin, minor din,” ani PCpt. Gregorio Cueto ng Navotas police.
Ayon sa isang saksi, pinuntahan umano ng grupo ng lalaking nasaksak ang suspek para resbakan dahil umano sa dati na nilang alitan.
“Nag-se-cellphone lang po ako sa tapat ng bahay namin nang bigla pong dumaan iyong mga kaibigan ko po…mga nagmamadali po sila kaya sinundan ko sila tapos ‘yon nga po, may reresbakan. May hinahanap po sila,” sabi ng saksi.
Ayon kay barangay kagawad Monie Flores, self-defense raw ang paliwanag ng suspek sa kanila kaya nagawa niyang manaksak.
“Base po roon sa nanaksak, papaluin daw siya ng kahoy ng mga kaaway niya kaya pinagtanggol na lang niya iyong sarili niya,” ani Flores.
“Inaamin naman ng bata na nanaksak na siya iyong sumaksak. Depensa lang daw po iyon.”
Unang natapat sa isang lamay ang sagupaan nila.
Pero naganap ang pananaksak ilang metro lang ang layo sa lamay matapos silang awatin at tabuyin ng pamilya ng nakaburol.
“Suntukan pa lang po nang inaawat ko tapos pagdating sa malayo, doon sila nagsaksakan,” kuwento ng umawat na lalaki.
Nagkagulo kalaunan sa Navotas Police Station nang magkasalubong ang kaanak ng nasaksak na lalaki at ang pamilya ng umawat sa alitan ng mga kabataan.
“Kasi sinisisi nila iyong umawat. Hindi raw masasaksak iyong bata na iyon kung hindi raw hinawakan ng umawat,” ani Flores.
Pero depensa ng kaanak ng umawat na lalaki, ginawa lang nila iyon dahil nagkakagulo na malapit sa burol ng kanilang mahal sa buhay.
“Ang concern lang po namin. Binabalikan po nila kasi iyong nag-awat. Bakit po? Para saan po? Nag-awat lang naman kasi may patay po kami…Ang ending po — siya pa iyong napasama kasi inawat niya lang po,” aniya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
“Nasa investigation unit natin [ito] para sa kaukulang pagsasampa ng kaso laban sa sinasabi nating minor,” ani PCpt. Cueto.
Hawak na ng mga awtoridad ang menor de edad na suspek. Inaasahan na itu-turn over siya ng pulisya sa Bahay Pag-Asa sa Navotas. — BAP, GMA Integrated News
Be the first to comment