Plano ng mga awtoridad sa Zimbabwe na katayin ang nasa 200 elepante para malamnan ang kumakalam na sikmura ng mga tao roon na nahaharap sa matinding gutom bunga ng pinakamalalang tagtuyot na kanilang nararanasan sa nakalipas na apat na dekada.
Dahil na rin sa epekto ng El Nino, hindi mapakibangan ang mga taniman southern Africa, na nakakaapekto sa may 68 milyon tao sa rehiyon.
“We can confirm that we are planning to cull about 200 elephants across the country. We are working on modalities on how we are going to do it,” sabi sa Reuters ni Tinashe Farawo, Zimbabwe Parks and Wildlife Authority (Zimparks) spokesperson.
Ipapamahagi umano ang karne ng mga elepante sa mga komunidad sa Zimbabwe na apektado ng matinding tagtuyot.
Ang pagpatay sa mga elepante, na huling ginawa noong 1988, ay mangyayari umano sa Hwange, Mbire, Tsholotsho at Chiredzi districts. Kasunod ito ng desisyon ng kalapit nilang bansa na Namibia na pumatay din ng 83 elepante noong nakaraang buwan para ipamahagi ang karne sa mga taong apektado rin ng matinding init.
Mahigit 200,000 elepante ang tinatayang nasa conservation area sa limang southern African countries na Zimbabwe, Zambia, Botswana, Angola at Namibia. Dahil dito, ang rehiyon ang may pinakamalaking populasyon ng elepante sa mundo.
Ayon kay Farawo, ang gagawing pagpatay sa mga elepante ay magiging paraan na rin para mabawasan ang bilang mga dambuhalang hayop sa kaniyang parke, na para lang sa bilang na 55,000 elepante.
Nasa mahigit 84,000 ang populasyon ng elepante sa Zimbabwe.
“It’s an effort to decongest the parks in the face of drought. The numbers are just a drop in the ocean because we are talking of 200 (elephants) and we are sitting on plus 84,000, which is big,” paliwanag niya.
Dahil din sa matinding tagtuyot, nagiging madalas ang engkuwentro ng mga tao at elepante sa paghahanap ng pagkain. Nitong nakaraang taon, 50 tao ang nasawi sa Zimbabwe dahil sa elephant attacks.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment