Ikinagulat ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angaya na may mga gamit na katulad ng mga laptop at mga libro na apat na taon nang nakatengga sa bodega ng kagawaran. Hindi rin alam ng ibang opisyal ng ahensiya kung papaano ginastos ng dating pinuno ng kagawaran na si Vice President Sara Duterte ang P112.5 milyon na confidential funds ng DepEd.
Sa paghimay ng House Appropriations Committee sa hinihinging P793 bilyong budget ng DepEd para sa 2025, sinabi ni Angara na nasa 1.5 milyon na items ng mga kagamitan at kasangkapan na kinabibilangan ng mga laptop at mga libro ang nasa kanilang mga bodega mula pa noong 2020.
Sinabi ni Angara na sinisikap nilang mailabas na ng mga bodega at maipamahagi ang mga naturang mga kagamitan at kasangkapan para mapakinabangan at hindi tuluyang masira na lang.
Sa naturang pagdinig din, sinabi ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla, na hindi nila alam kung papaano ginamit ni dating DepEd Sec. Sara Duterte ang P112 milyon na confidential fund.
“We would like to clarify DepEd Finance’s role in the release, utilization, and reporting of the confidential fund,” saad ni Sevilla.
“[The confidential fund] is included in our GAA (General Appropriations Act in 2023) and we followed the Joint Circular [paglabas ng form ng] cash advance. There is a three-month requirement; that it (confidential fund) should be released on a quarterly basis. The next is liquidation, which should be upon the [responsibility of the] head of the agency to the Commission on Audit,” paliwanag ni Sevilla.
“To answer po ‘yung question kung alam ba namin’ yung details nung pinagamitan, we do not know because we’re not part of the process po ng utilization and liquidation. So, what I can share is, from the [DepEd’s] finance [unit], we have released three quarters. That’s P112.5 million. [And] it has been recorded as liquidated because we were given a copy of the cover letter only of the liquidation,” patuloy niya.
Nagsilbing kalihim ng DepEd si Duterte mula 2022 hanggang June 2024, at pinalitan ni Angara.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng panig si Duterte.
Sa nakaraang pagdinig din ng Kamara para sa hinihinging budget ng OVP para sa 2025 na aabot sa mahigit P2 bilyon, nagkaroon din ng mainit na talakayan nang tumanggi si Duterte na magsalita tungkol naman sa paggamit niya ng P73 milyon na confidential funds ng OVP noong 2022.
Sa pagdinig ng komite sa DepEd budget para sa 2025, sinabi ni Angara na wala siyang hiningi na alokasyon para sa confidential fund.
“Since our predecessor did not ask for it and we did not have it in 2024… it has been controversial… mabuti na rin umiwas, Your Honor, at hingiin na po ‘yun sa line-item kung may mga pangangailangan po ang departamento,” paliwanag ni Angara.— FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment