Inaresto ng mga awtoridad sa Batangas ang dating pulis na sinasabing naging karelasyon ng nawawalang beauty pageant contestant na si Catherine Camilon. Kasamang dinakip ang kaniyang driver na iniuugnay din sa kaso.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si dating Police Major Allan de Castro, at driver-bodyguard niya na si Jeffrey Magpantay.
Noong Sabado nang isinagawa ng mga awtoridad ang pag-aresto sa dalawa sa Balayan, Batangas sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng korte makaraang katigan ang motion for reconsideration na inihain ng pamilya ni Camilon.
Una rito, ibinasura ang mga reklamo laban sa dalawa noong Mayo dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya.
Oktubre 2023 nang mawala si Camilon sa Batangas na sinasabing makikipagkita noon kay de Castro.
Mayroon umanong relasyon ang dalawa, at hinihinala na nakikipaghiwalay na ang biktima sa pulis.
Sinibak si De Castro sa serbisyo dahil sa pagkikipagrelasyon niya kay Camilon kahit mayroon na siyang pamilya.
Pero itinanggi ni De Castro na naging nobya niya si Camilon. Pinabulaanan naman ni Magpantay na may kinalaman siya sa pagkawala ng biktima.
Batay umano sa pahayag ng testigo, nakita nila si Magpantay at dalawang iba pa na may inililipat na babaeng walang malay sa isang sasakyan.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nakita ang isang sasakyan na pinaniniwalaang ginamit sa pagkawala ni Camilon at may nakitang bahid ng dugo at hibla ng buhok.
“Hair strands at blood na nakita dun sa sasakyan ay nag-match dun sa DNA profile na binigay ng magulang ni Ms. Catherine Camilon,” sabi ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Romeo Caramat Jr. nang panahong iyon.
“’Yung mga witness natin ay hindi nagsisinungaling. There is a corroborative evidence na talagang nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspect natin ay certainly si Miss Camilon,” dagdag ni Caramat. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment