Inihayag ng dating pinuno ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na mayroong impormasyon pero hindi pa berepikado na isang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) ang tumulong umano kay dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na makalabas ng bansa. Si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, tiniyak na hindi siya ang tinutukoy na dating PNP chief.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite sa Senado tungkol sa operasyon ng ilegal na POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa bansa, tinanong ni Risa Hontiveros si dating ISAFP chief Raul Villanueva, na pinuno na ngayon ng PAGCOR, tungkol sa posibilidad na may government officials na tumulong kay Guo na makalabas ng Pilipinas kapalit ng pera.
“May pinag-uusapan na ‘yung sa border immigration, ‘di ko lang alam ‘yung exact amount, including PNP official pero hindi ko pa din confirmed ‘yun,” ayon kay Villanueva.
Nang tanungin ni Hontiveros si Villanueva kung anong sangay o unit sa PNP ang binabanggit sa usap-usapan, sinabi ng dating ISAFP chief na, “Hindi PNP unit Ma’am eh, but personalities… I think it was mentioned, a former chief PNP.”
Idinagdag ni Villanueva na may impormasyon din na hindi pa berepikado na nasa “monthly payroll” din umano ni Guo ang naturang dating PNP chief.
“Ang parang usapan dun ma’am parang ‘yung parang nasa payroll, ‘yung monthly payroll ever since,” ani Villanueva.
“Hindi ko din ma-ascertain ‘yan, Ma’am, kung kanino galing ‘yung report, Ma’am. It’s just parang rumors lang within the intelligence community. I think they are validating it right now. I even went to NICA [National Intelligence Coordinating Agency] last week, but there’s no information about it, Ma’am,” dagdag niya.
Labis na ikinagulat ni Hontiveros ang tungkol sa impormasyon ng umano’y monthly payroll.
“It gets worse and worse. Kanina bad enough ‘yung magbayad di umano ng 100 milyong pisong suhol para makatakas ang isang Guo Hua Ping. Even worse kung historically may monthly payroll,” anang senadora.
Samantala, inihayag ng kinatawan ng PNP na dumalo sa naturang pagdinig na wala silang impormasyon na may opisyal sila na sinuhulan kaugnay sa usapin.
“So far po, wala po kaming report with regards po kung may mga nasuhulan na PNP personnel. But despite of that po ay ‘yung aming intelligence community ay tuloy tuloy po ang kanilang pag-coordinate sa ibang agencies para malaman kung may mga PNP personnel na involved din. We will file the necessary case po kung may mga evidence po kaming makukuha,” ayon kay PNP Deputy Director for Administration Police Brig.Gen. Raul Tacaca.
Sen. Bato: Sino ang ex-PNP chief?
Hindi naman hinayaan ni Sen. Bato dela Rosa, na dati ring PNP chief sa panahon ng administrasyong Duterte, na matapos ang pagdinig na hindi natitiyak na hindi siya ang tinutukoy na “ex-PNP chief” ni Villanueva.
“Puwede bang malaman kung sino itong former Chief PNP? I am concerned because I am a former Chief PNP. Baka mamaya merong lalabas na script d’yan na si Bato ay tumatanggap ng pera galing sa iyo,” sabi ni Dela Rosa na tinanong si Guo.
Itinanggi ni Guo ang tungkol sa umano’y payroll, at sinabi kay Dela Rosa na sa Senado lang niya ito nakita.
Tiniyak din ni Guo na hindi pa sila nagkikita at wala siyang larawan na kasama si Dela Rosa.
“Siniguro ko lang… klaruhin ko lang ito,” dagdag ng senador.
Nang tanungin ni Dela Rosa si Villanueva kung sino ang tinutukoy niyang dating PNP chief na tumulong kay Guo, sinabi ng opisyal ng PAGCOR na hindi pa ito kumpirmado, “But I’m sure you’re not the one, I think.”
“Thank you, thank you if [you think] I’m not the one. ‘Yun lang. Siniguro ko lang. Thank you, General Villanueva. Thank you for that info,” ayon kay Dela Rosa said.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment