Kasama sa pag-usbong ng mga bagong gadgets at smartphones ang madalas na paggamit ng earphones. Ngunit ayon sa isang duktor, may masamang epekto sa tainga ang matagal ng paggamit ng earphones.
Sa programang Unang Hirit nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Dr. Eljon Yee, isang ear, nose, throat, head and neck surgery (ENT-HNS) specialist, na sa tuwing may nagpapa-checkup na pasyente, inaalam muna kung dahan-dahan o biglaan ang pagbabago sa kaniyang pandinig.
Magkaiba raw kasi ang madalas na sinyales at sintomas ng dalawang dahilan ng paghina ng pandinig.
Hindi nirekomenda ni Dr. Yee ang paggamit ng earphones ng higit sa isang oras.
“For me as an ear doctor, the minimum level that you can understand the sound, the tones, is fairly okay naman. I usually don’t recommend the use of earphones for more than an hour. Kasi your ears need to rest din after a while,” sabi niya.
“Tapos for people who sometimes fall asleep with earphones, medyo nagiging mahirap ‘yun for a lot of people. Alam natin na sobrang importante ng pag-keep ng ear health at paggamit ng earphones din when you’re work. Pero we have to kailangan mabalanse din siya na nagkakaroon din ng resting time yung tainga para nakapag-relax,” dagdag niya.
Inirekomenda niyang huwag masyadong malakas ang volume ng tunog sa ear phones. Tama na umano ang lakas kung naiintindihan na ang pinakikinggan.
Dahil din sa mga occupational hazard gaya ng mga gumagamit ng jackhammer o mga seaman na malapit sa makina ng barko, maituturing silang “prone” sa occupation-related hearing loss.
Kasabay nito, ipinaliwanag din ni Dr. Yee, na ang cerumen o earwax [tutuli] ay natural at normal na parte ng tainga na nagbibigay ng moisture at antibiotic properties para magkaroon ang loob ng magandang environment.
Payo ni Dr. Yee, na sa labas lang ng tainga lang gamitin ang cotton buds kapag naglilinis, at huwag itong ipasok sa loob.
“God has created our ears in a way na it cleans itself. So naturally, 90% of 80% of people na wala namang problem sa shape ng ear or anatomy ng ear, sariling naglilinis mag-isa ang tainga niya,” paliwanag ng duktor.
Panoorin sa video ang buong talakayan sa pangangalaga sa tainga.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment