Bangkay na nang matagpuan ang magpinsang senior citizen na edad 60 at 70 sa loob ng kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City. Ang kanilang mga labi, natuklasan ng mga kapitbahay dahil sa masangsang na amoy mula rito.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, ikinuwento ng isa sa mga kapitbahay ng mga biktimang nakatira sa Saint Francis Village na inakala nilang nagmula sa patay na hayop ang amoy.
Pinaniniwalaang ilang araw nang patay ang dalawang biktima bago sila natuklasan Biyernes ng gabi.
“Sobrang baho. Akala namin daga, so noong unang araw naglinis ako, hindi siya nawawala. Noong binuksan na nila ng pulis, noong lumabas na, ang baho na po, iba na ‘yung alingasaw, hindi na daga, mabaho na talaga,” sabi ni Maru del Pilar, kapitbahay.
“Noong naka-receive ako ng report, around 11 in the evening, sabi ko sa mga kasama ko, puntahan na namin. Nakita namin doon sa likuran, sa screendoor niya may mga talsik na ng dugo,” sabi ni Sigfrid Amante, presidente ng Homeowners Assoc St. Francis Village.
Sinabi ng homeowners association ng Saint Francis Village na Lunes pa noong huling makita ang magpinsan.
Gayunman, nag-umpisang magtaka ang mga residente nang may lumabas na mabahong amoy galing sa kanilang tahanan.
Sinabi ng QCPD Station 4 na hinihintay pa nila ang autopsy report.
Hindi pa nagbibigay ng pangalan ang mga awtoridad tungkol sa mga labi habang gumugulong ang imbestigasyon.
“Hindi namin niru-rule out na may possible foul play kasi nga sa bilang ng victim dalawa sila. Although sa cursory examination namin wala naman kaming natagpuang external wound. Pero may possibility din po na may mga indicators ng asphyxiation so may mga lead na nito. Ongoing ang investigation,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Morgan Aguilar, Station Commander ng Novaliches Station 4 QCPD.
Dagdag pa ng pulisya, may persons of interest na silang kinakausap.
“Mga persons of interest pa lamang po hindi pa natin masabing suspect. Wala naman po nakitang forced entry. May mga tinitingnan na tayong anggulo,” dagdag ni Aguilar.
Sinabi ng pamangkin ng mga biktima na palaisipan sa kaniya ang motibo sa pamamaslang.
“Sana sumuko na lang sila. Gusto kong panagutin po,” sabi ng pamangkin ng mga biktima.
—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
Be the first to comment