Ipinakilala na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 12 kandidato ng administrasyon sa senatorial race para sa Eleksyon 2025.
Kabilang sa mga kandidato ay limang reelectionist senators at tatlong dating senador.
Binubuo ito nina:
- Interior Secretary Benhur Abalos (PFP)
- Makati City Mayor Abby Binay (NPC)
- Reelectionist Senator Pia Cayetano (Nacionalista Party)
- Reelectionist Senator Lito Lapid (NPC)
- Reelectionist Senator Francis Tolentino (PFP)
- Reelectionist Senator Imee Marcos (Nacionalista Party)
- Reelectionist Senator Ramon ”Bong” Revilla Jr. (Lakas-CMD)
- former Senator Manny Pacquiao (PFP)
- former Senator Panfilo Lacson (NPC)
- former Senator Vicente Sotto III, (NPC)
- Deputy Speaker Camille Villar (Nacionalista Party)
- at dating Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo (Lakas-CMD)
Inihayag ni Marcos ang listahan ng senatoriables sa pagtitipon ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas Convention na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ngayong Huwebes.
Maliban kay Sen. Imee, dumalo sa naturang pagtitipon ang 11 personalidad.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pres. Marcos sa mga kakandidato sa ilalim ng administrasyon na panatilihin ang katapatan at pagmamahal sa bansa.
”Sa aking pag-endorso, ang tanging hiling ko ay mapanatili ang kanilang katapatan at pagmamahal sa bansa. Ito ang pinakamahalagang katangian ng kandidato na aking tinitignan at pinag-iisipan,” ani Marcos.
”Kaya naman, mga kababayan, ang mga sumusunod na indibidwal ay kilala natin sa kanilang kasanayan at sa kanilang serbisyo publiko,” dagdag niya.
Dahil sa gagawing pagtakbo sa Senado, sinabi ni Abalos na bibitawan na niya ang kaniyang posisyon bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
“I’ve heard of several names na papalit po sa akin, siguro hindi ko lang puwedeng sabihin… naririnig ko lang naman pero nasa Pangulo na po ito,” ayon kay Abalos.
Naniniwala naman si Sotto, na malakas ang administration slate sa Eleksyon 2025.
Sinabi naman ni Villar na ipagpapatuloy niya ang adbokasiya ng kaniyang mga magulang na sina dating Senate President Manny Villar at outgoing Senator Cynthia Villar.
“Siyempre ipagpapatuloy naman natin ‘yung advocacies ng aking mga magulang… pagtulong sa mahihirap at lahat ng programa para sa kabuhayan. Diyan tayo magfo-focus,” pahayag ni Villar.
Inihayag naman ni Binay na walang magiging problema sa kaniya na makasama sa kampanya si Cayetano kahit pa mayroon naging usapin sa teritoryo ng Makati at Taguig.
“I agree to join the alliance because of the President, sino naman ako para magsabi kung sino ‘yung gusto kong makasama at di makasama… I am here to support the projects and programs of the President, kung sino po ‘yung kasama ko hindi po ako ang pumili sa kanila,” ani Binay.
Sa naturang pagtitipon, nilagdaan ang pagpirma sa manifesto para suportahan ang Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas.
Si Navotas Representative Toby Tiangco, ang magsisilbing campaign manager ng alyansa. Aniya, napili ang mga kandidato sa Senado dahil sa kanilang pagsuporta sa mga proyekto at legislative agenda ng administrasyon.
Hindi rin umano magiging problema ang relasyon ni Imee sa mga Duterte sa eleksiyon.
”Hindi naman dapat maging problema ‘yun, uulitin ko ang tanging pinag-usapan lang at qualification is ‘yun nagkakaisa ba tayo sa ating layunin na mapataas ang antas ng buhay ng mga Pilipino,” anang kongresista.
Tiwala naman si Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sa pagkakaisa ng limang partido na kasama sa alyansa na binubuo ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), National Unity Party, Lakas-CMD, Nacionalista Party, at Nationalist People’s Coalition.
Gagawin umano ng alyansa ang “the best” para maipanalo ang kanilang mga kandidato, ayon kay Romualdez. —mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment