Kritikal ang isang tricycle driver matapos siyang saksakin ng isang pasahero na napagbalingan lamang umano siya ng galit sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagbaba ng limang lalaki sa tricycle sa Lico Street.
Sa halip na magbayad ng pamasahe, agad lumapit ang isa sa mga pasahero at sinaksak ang driver sa dibdib.
Nakatakbo ang biktima pero hinabol pa rin siya ng suspek, na tinangka namang awatin ng kaniyang mga kasama.
Sa isa pang kuha ng CCTV sa isang parte ng Solis Street, mapanonood na biglang nadapa ang biktima kaya siya naabutan ng suspek.
Hindi na napanood pa ang mga sumunod na eksena, ngunit tinangka pa umanong undayan ng saksak ng suspek ang biktima. Nakailag ang biktima at muling nakatakbo palayo.
Sinabi ng kapatid ng biktima na napagbalingan umano ito ng galit matapos makaaway ng suspek ang isa sa siyam na kasama nitong uminom sa isang bar.
Makaraan ang pananaksak, sumakay sa dalawang tricycle ang grupo ng suspek.
Kasalukuyang nakaratay sa ospital ang biktima at kinailangang tubuhan matapos maapektuhan ang kaniyang baga.
Isang informant ang nagbigay ng larawan ng suspek, at positibo itong kinilala ng biktima.
Nai-blotter na rin sa barangay ang insidente, ngunit nagtataka ang mga kaanak ng biktima kung bakit “less physical injury” lamang ang nakalagay gayong malubha ang tinamong tama ng biktima.
Kailangan din muna ng mga kaanak na dumaan sa hearing ng barangay para sa case filing na ipapasa sa pulisya.
Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa lalaki. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment