Dinoble ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ngayon ni Edgardo “Sonny” Angara ang vacation service credits (VSCs) ng mga guro sa mga pampublikong paaralan na ginawang 30 araw mula sa kasalukuyang 15 araw.
Sa pahayag nitong Biyernes, ang taas-VCSs ay nakapaloob sa DepEd Order No. 13, s. 2024 na naglalayong mabigyan ng sapat na kompensasyon ang mga guro sa kanilang dagdag na oras sa pagtatrabaho.
“The revised order now entitles incumbent teachers with at least one year of service, as well as newly hired teachers appointed within four months after the start of classes, to 30 days of VSCs annually,” ayon sa DepEd.
“Additionally, newly hired teachers whose appointments are issued four months after the start of classes will receive 45 days of VSCs per year,” dagdag nito.
Paliwanag ng DepEd, ang VSCs ay leave credits na inani ng guro mula sa ibinigay nitong serbisyo sa panahon ng bakasyon, Christmas vacation, weekends, at mga holiday, pati na ang para sa teaching overload.
Ang naturang service credits ay magagamit ng mga guro na pang-offset [o pamalit] kung sakaling hindi sila nakapasok dahil sa pagkakaroon ng sakit, personal na dahilan, o sa late appointments.
Sa ilalim ng bagong patakaran, makakakuha ang guro ng 1.25 hours ng VSC sa bawat oras ng kanilang eligible service na panahon ng pasukan. Ang ekstrang serbisyo na ginawa sa panahon ng Christmas breaks, summer breaks, weekends, o holidays, aani naman ang guro ng 1.5 hours sa VSC sa bawat oras.
Kapag hindi nabigyan ng kompensasyon sa overload pay ang guro sa kaniyang teaching overload, aani ang guro ng 1.25 hours ng VSC sa bawat oras ng kaniyang dagdag na pagtatrabaho.
Bukod pa ito sa kanilang 30-day entitlement.
“The new guidelines reflect DepEd’s commitment to addressing the evolving demands on teachers and ensuring they are properly compensated for additional work, particularly during periods like summer or long vacations,” paliwanag ng DepEd.
“This move also aims to safeguard teachers’ net take-home pay by recognizing their participation in DepEd-led activities at the national, regional, and division levels, alongside its partners and stakeholders,” dagdag ng kagawaran. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment