Naniniwala si Vice President Sara Duterte na wala na sa Davao City ang pinaghahanap na lider ng Kingdom of Jesus Christ church na si Apollo Quiboloy.
Ilang araw na ngayon na hinahalughog ng kapulisan ang compound ng KOJC sa Davao City para isilbi ang arrest warrant laban kay Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso, kabilang ang human trafficking at pang-aabuso.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa “24 Oras” nitong Lunes, sinabing kabilang si Duterte sa mga dumalo sa anniversary ng KOJC nitong Linggo.
Naniniwala ang bise presidente na wala na si Quiboloy sa lungsod dahil nagkaroon ito ng mahabang panahon para makaalis.
“Napakataas ‘yung time na puwede niyang pag-isipan na aalis na ba ako o hindi. At isa din ‘yun sa mga dapat pag-isipan din ng administrasyon. Dahil sa mahabang-habang grand standing sa committee hearing, hindi na tuloy nakuha si Pastor Apollo Quiboloy,” pahayag ni Duterte.
Nang tanungin ang bise presidente kung nasaan kaya ngayon si Quiboloy, tugon niya: “Ako, kung one guess kung nasaan si Pastor Quiboloy, nasa langit.”
Ayon kay Duterte, dapat na binilisan ang pagpapatupad ng arrest warrant dahil madadamay ang imahe ng Davao City.
“Hindi dapat ginagawang excuse na malaki ‘yung lugar. Sa sobrang dami ng mga pulis na nandiyan sa loob at sa sobrang dami ng pulis na pinadala para mag-execute ng warrant of arrest, magtataka ka, nine days na hanggang ngayon, hindi pa sila tapos sa pag-implement ng warrant of arrest nila,” saad ni Duterte.
Samantala, sinabi ng Police Regional Office 11 na kailangan sundin ng mga awtoridad ang operational procedures sa pagsisilbi ng arrest warrant.
“‘Yung ginagawa natin na implementation ng warrant of arrest sa loob ng KOJC compound ay within the bounds of the law and we follow the police operational procedures. Yung sinasabi na bakit matagal, tingnan niyo naman ang complexities ng KOJC compound,” ayon kay PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey.
Tumaas muli ang tensiyon sa mga pulis at kasapi ng KOJC nitong Lunes ng umaga nang pabuksan ng mga awtoridad ang Emerald Gate ng compound.
Nangangamba ang mga kasapi ng KOJC na magtanim ng ebidensiya ang mga pulis na papasok dahil wala umanong scanner sa naturang bahagi ng gate.
Itinanggi naman ng mga pulis ang hinala ng mga kasapi ng KOJC.
“May scanner o wala, wala kaming ipapasok na gamit to plant as evidence. Kung may ipapasok man kami na mga gamit ito ay in aid sa ginagawa namin pag-search kay Quiboloy,” sabi ni Dela Rey.
Ayon naman kay KOJC’s legal counsel Israelito Torreon, isang kasapi ng simbahan ang inaresto ng mga pulis, at tinangka rin arestuhin ang isa pa nilang abogado nang makapasok sa gate.
May dala rin umano na mga kahon ang pulis na pumasok sa Jose Maria College basement.— FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment