Nakapagtala ang Office of Civil Defense (OCD) ng 46 na tao na nasawi sa hagupit ng bagyong “Kristine” (international name: Trami).
Habang tinatahak na ng bagyo ang karagatan, patuloy ang pagkilos ng mga rescue worker para matulungan ang mga taong na-trap sa kanilang mga bahay dahil sa mataas na baha.
“Many are still trapped on the roofs of their homes and asking for help,” sabi ni Andre Dizon, police director sa Bicol region. “We are hoping that the floods will subside today, since the rain has stopped.”
Nagkaraon din ng kakulangan sa rubber boats pero mayroon na umanong mga paparating.
Batay sa datos mula kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, karamihan sa mga nasawi ay mula sa Bicol Region na 28, sumunod ang Calabarzon na may 15. May tig-isang naitalang nasawi sa Ilocos Region, Central Luzon, at Zamboanga Peninsula.
Mayroon ding 20 nawawala, at pito ang sugatan.
Sa kaniyang talumpati nitong Biyernes, nagpaabot ng pakikidalamhati si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga naging biktima ng bagyo.
“I would like to express my sympathy for our fellow Filipinos who have become victims by Tropical Storm Kristine. We are grateful for the resilience, leadership and proactive measures undertaken by our local government units which has saved many, many lives,” ayon sa pangulo.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos na iniutos niya ang full mobilization ng military assets para sa relief operations upang mahatiran ng tulong ang mga biktima.
“I have ordered the full mobilization of available AFP (Armed Forces of the Philippines) personnel and resources which can be committed to relief operations,” pahayag ni Marcos.
“Other uniformed agencies such as the PNP (Philippine National Police), BFP (Bureau of Fire Protection) and the Philippine Coast Guard are likewise placed under that status,” dagdag nito.
Tinatayang 20 bagyo ang tumatama sa Pilipinas bawat taon. Pero sa mga bagong pag-aaral, napapansin na ang mga bagyo na tumatama sa Asia-Pacific region ay nabubuo malapit na sa mga dalampasigan, at mabilis na lumalakas, at nagtatagal sa kalupaan.
Pinaniniwalaan na may kaugnayan dito ang climate change. —mula sa ulat ni Joviland Rita/AFP/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment