Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2021, back pain ang isa sa mga karaniwang occupational disease sa Pilipinas. Alamin ang ilang paraan upang maiwasan ito.
Sa programang “Dapat Alam Mo,” ipinaliwanag ni Ron Calleja, certified fitness coach, na isa sa mga nagkakaroon ng pananakit ng likod ang mga nagtatrabaho na matagal na nakaupo.
“Sa tagal ng upo mo, hindi namamalayan na mali na pala yung postura. Dahil mali na yung postura, hindi na rin alam kung ano ang puwedeng solusyon. Isang sanhi siya para sumakit ang likod,” ayon kay Calleja.
May kinalaman din umano ang edad ng tao sa pagsakit ng likod.
“Kasama ring titingnan ang edad na 30-years-old above nagkakaroon ng pagbabawas ng muscle. Dahil nababawasan ang muscle mass, ang muscle na nagpo-protect sa spine, nababawasan din,” dagdag ni Calleja.
Ayon kay Calleja, ang mga pagkain na nakakatulong para maging healthy ang spine ay mga pagkain na mayaman sa protina gaya ng isda, manok, at mga karne.
Maganda na kumain ng mga prutas na mayaman sa vitamins, at mga pagkain na mayaman sa fiber.
Ipinakita rin ni Calleja ang tatlong basic exercises at stretching na puwedeng gawin sa bahay para mapangalagaan ang postura at nang hindi sumakit ang likod. Panoorin ang video. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment