Ínihayag sa desisyon ng Supreme Court (SC) na hindi bahagi ng opisyal ng trabaho ng mga alkalde ang mag-remit ng kontribusyon ng mga kawani sa Government Service Insurance System (GSIS).
Sa 21-pahinang resolusyon ng SC Special First Division na may petsa ng Hulyo, sinipi ang Local Government Code na nagtutukoy sa mga municipal mayor bilang “chief executives” at hindi “heads of offices” sa ilalim ng GSIS Act of 1997.
“[N]owhere in the Local Government Code of 1991 does it include the remittance of GSIS premiums as part of the duties of a mayor,” ayon sa pasya ng mga mahitrado.
Ang desisyon ay may kaugnayan sa pasya na nagpapawalang-sala kay Sto. Tomas, Isabela Mayor Antonio Talaue, na naharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8291 o GSIS Act of 1997.
Binaliktad ng SC ang resoluyson ng Sandiganbayan dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ng alkalde na “beyond reasonable doubt.”
“[T]he Court finds that the prosecution miserably failed to demonstrate that Talaue had the volition or conscious intent not to remit or cause the non-remittance of the GSIS premium contributions of the employees of the municipality,” ayon sa SC.
“Records show that upon being notified of the municipality’s unpaid premium contributions, Talaue readily acknowledged the same and made verbal instructions… to update the municipality’s accounts with GSIS,” patuloy nito.
Nagsilbing alkalde si Talaue mula 1988 hanggang 1998, at muli noong 2001 hanggang 2010. Nahalal muli siyang alkalde noong 2022 elections.
Ayon sa SC, ipinaalam ng GSIS kay Talaue noong 2003 ang kabiguan ng lokal na pamahalaan na mag-remit ng social insurance contributions ng kanilang mga kawani mula 1997 hanggang 2003 na aabot sa P12 milyon.
Kinalaunan ay kinasuhan ng GSIS si Talaue ng paglabag sa GSIS Act sa Office of the Ombudsman, na kinalaunan ay iniakyat sa Sandiganbayan.
Naglabas naman ng hatol ang Sandiganbayan na guilty ang alkalde noong March 2019, at pinatawan ng parusang pagkakakulong ng tatlo hanggang limang taon.
Naghain ng mosyon si Talaue sa SC noong 2021 para iapela ang desisyon ng Sandiganbayan pero ibinasura ito ng mga mahistrado. Hanggang sa naghain muli ng mosyon ang alkalde sa kaniyang apela na napagbigyan sa ikalawang pagkakataon, at lumabas na nga ang bagong desisyon ng SC.
“All told, there was no attempt on the part of the prosecution to show Talaue’s intent to perpetrate the crime charged,” ayon sa SC.
“His conviction must, perforce, be overturned,” dagdag pa ng pinakamataas na korte sa bansa. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment