Sinabi ni dating police chief at ngayo’y senador na si Ronald “Bato” dela Rosa na hindi niya pinagsisisihan na naging bahagi siya ng madugong anti-drug war campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kabila ito ng mga akusasyon na marami ang namatay dahil sa umano’y reward system.
“No regrets [ako]. If you are going to give me the chance to do it again, I will do it again. The same approach,” sabi ni dela Rosa sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
Batay sa tala ng pulisya, nasa 6,000 katao ang nasawi sa drug war ni Duterte. Pero naniniwala ang mga human rights group na higit na mataas pa ang bilang na ito.
Ayon kay Dela Rosa, kailangan ang “puwersa” upang manalo sa isang digmaan at hindi uubra ang “pa-cute” lang.
“You can’t fight a war, especially against the drug personalities, by being disente, by being pa-cute-cute. No way you can win the battle, win the war. You have to be forceful enough to send your message down the spine of these criminals,” paliwanag ng senador.
Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag isang araw matapos itaka ng Senado ang imbestigasyon nito sa Duterte drug war sa Lunes, October 28.
Ayon kay Dela Rosa, wala siyang paghahanda na gagawin. Iginiit niya na alam niya kung ano ang mga totoo sa ginawa nilang kampanya.
“The truth is, andyan naman yung truth, hindi mo yung mapapalitan. I know the truth, kaya hindi nila ako pwedeng gawan-gawan ng istorya na kung ano-anong alegasyon na sinasabi nila,” pahayag niya.
“Kailangan malaman natin yung katotohanan. And I’m not going to harass them. I’m not going to use my power as a member of that committee. I will just establish ko lang talaga yung katotohanan,” dagdag ng senador.
Sa isang pagdinig ng House Quad Committee, sinabi ni retired police colonel Royina Garma, na iniutos ni Duterte na gawin sa buong bansa ang sistema ng drug nila sa Davao City na may cash reward sa bawat mapapatay na sangkot sa ilegal na droga.
Umaabot umano sa P20,000 hanggang P1 milyon ang reward.
Sa naturang QuadComm hearing din, inakusahan naman ni Police Colonel Jovie Espenido na inutusan umano siya ni Dela Rosa, na PNP chief noon, na patayin ang mga suspected drug personalities, kabilang sina Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog at Albuera, Leyte Rolando Espinosa.
Napatay si Espinosa sa kulungan sa Leyte noong 2016 dahil nanlaban umano. Habang napatay naman si Parojinog at 14 na iba pa, kabilang ang ilang miyembro ng pamilya Parojinog, sa police noong 2017.
“Ang instruction lang na tulungan mo ako, Jovie, at saka si President Duterte, about this war against illegal drugs. Ang police, isa lang ang word, general word na ibigay. Lahat [ng police], alam na namin ang isang meaning din. Pagsabi na mawala, kasali na ‘yung mamatay,” sabi ni Espenido tungkol sa pag-uusap umano nila ni Dela Rosa.–mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment