Arestado ang dating aktor na si John Wayne Sace dahil sa pagbaril at pagpatay umano sa kaniyang kaibigan sa Pasig City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV Balitanghali nitong Martes, sinabing pinagbabaril umano ni Sace ang biktimang si Lynell Eugenio, sa Barangay Sagad bandang 7:30 p.m. nitong Lunes.
Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon ng Pasig City Police, nag-uusap umano ang suspek at ang biktima sa nasabing lugar, hanggang sa nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Kalaunan, bumunot umano si Sace ng baril at pinaputukan ang biktima.
Nagtamo si Eugenio ng apat na tama ng baril na kalibre .45 na ikinasawi nito.
Tumakas si Sace matapos ang pamamaril pero nadakip ng mga awtoridad makalipas ang ilang oras sa isang hotel sa Pasig pa rin.
Narekober ng mga awtoridad ang baril na ginamit umano ni Sace sa krimen, pati na rin ang limang cartridge.
Kinumpirma ng Pasig Police na nasa kustodiya na nila si Sace.
Bandang tanghali ng Martes nang alisin si Sace mula sa detention cell ng Pasig Police headquarters at dinala Eastern Police District SOCO para isailalim sa paraffin test.
Kinukunan ng GMA Integrated News ng panig si Sace, ngunit sinabi ng Pasig Police na inilahad ng suspek na may dati na silang alitan ng biktima.– Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment