Isang 12-anyos na Grade 7 student ang nagpaputok umano ng baril sa loob ng kanilang paaralan sa Dumaguete City, Negros Oriental. Ngunit ang principal ng eskuwelahan, itinanggi ang insidente.
Sa panayam ng GMA News Online kay Police Major Fortunato Villafuerte, Deputy Chief ng Dumaguete City Police, sinabing 12:42 p.m. nitong Biyernes nang makatanggap sila ng tawag mula sa Negros Oriental High School kaugnay sa insidente.
Ayon kay Villafuerte, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naka-break ang mga mag-aaral sa ikatlong palapag ng eskuwelahan bandang 12:35 p.m., nang maglabas umano ng .45 na pistol ang naturang estudyante at pinuntirya ang bintana ng kanilang silid-aralan.
Sa kabutihang palad, walang tinamaan sa pagpapaputok umano ng estudyante.
“Ang rason naman po na nagkaroon siya ng baril, ninakaw daw niya sa kamag-anak nila, tapos parang pinaglaruan,” anang opisyal.
WATCH: Grade 7 student, nagpaputok umano ng baril sa loob ng isang paaralan sa Dumaguete City, Negros Oriental. | via Futch Anthony Inso, Super Radyo Cebu pic.twitter.com/gslpHOCkFo
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 12, 2024
Namataan sa pinangyarihan ng insidente ang isang basyo ng bala, at isang magazine na kargado ng apat na bala ng .45.
Pinapaberipika na ng Dumaguete City Police sa kanilang firearms and explosives unit ang baril upang malaman kung sino ang registered owner at kung lisensiyado ito. Tinitingnan din kung may kapabayaan ang may-ari umano kaya nakuha ng bata ang kaniyang baril.
Isinailalim din sa ballistic examination ng crime laboratory ang baril.
Sa ulat naman ni Futch Anthony Inso ng Super Radyo Cebu sa dzBB, sinabing nagpayo si Villafuerte sa pamunuan ng eskuwelahan na mag-inspeksiyon sa mga estudyante bago sila papasukin.
Nasa pangangalaga na ng Social Welfare and Development Office ang bata.
Gayunman, itinanggi ito ng principal ng Negros Oriental High School, na sinabi umanong walang naganap na “indiscriminate firing” sa loob ng kanilang campus.
“This is to inform the public and entire NOHS Community of the incident circulated in various social media outlets on the ‘indiscriminate firing’ which allegedly happened inside the NOHS campus,” saad sa pahayag.
“There was NO ‘indiscriminate firing’ that took place inside the school but the information about a student bringing a gun was properly investigated and all concerned were duly processed. Safety and security of all learners, Teachers, and Staff were ensured,” dagdag nito.
Hinikayat ng Principal 1 na si Ranjel Estimar ang publiko na umiwas sa “spreading fake news and misinformation” para sa kapakanan ng mga mag-aaral at ng buong eskuwelahan at maiwasan ang mga pagkataranta at pagkabalisa.
Gayunman, nanindigan ang panig ng kapulisan na may naganap umanong pagpapaputok sa paaralan.
“Siguro sa kanila, pero sa amin, based sa interview namin sa mga estudyante, at saka may isa pa ngang teacher doon na siya mismo ang unang nagpunta noong mangyari ang ganoon,” saad ni Villafuerte.
“May in-interview lang po ang kasamahan namin sa WCPD (Women and Children Protection Desk), ganoon din ang sinasabi, ‘buti na lang walang tinamaan,” dagdag niya.
“May nakuha naman tayong baril, may empty shell, tapos ‘yung statement ng mga kaklase niya. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nila, pero sa amin, ganoon [ang nangyari],” dagdag ni Villafuerte.
—VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment