Kamangha-manghang pagmasdan ang paglipad ng isang “kubo” na may nakakabit na tila parachute sa Malitbog, Bukidnon. Papaano nga ba ito nangyari? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na hindi tunay na kubo ang lumipad kung hindi costume na gawa sa styrofoam.
Sana loob naman ng kubo ang paraglider na si Rhone Curambao, na kasali pala noon sa paligsahan na Paragliding National Accuracy and Fun Fly.
“Ito pong paragliding, pangtanggal stress din, kasi ‘pag makalipad, parang mawala ‘yung pagod mo,” sabi ni Curambao.
“‘Pag andoon ka na sa ere, parang lahat ng problema mo mawawala. Basta sobrang enjoy doon sa taas,” sabi pa niya.
Taong 2018 nang gumawa rin si Curambao ng isang lumilipad na kabaong bilang kaniyang Halloween costume.
Ngunit ngayong taon, bahay-kubo naman ang kaniyang naisip na gawin na costume dahil sa tingin niya ay magandang tingnan sa himpapawid.
Para maging magaang ang kubo at makalipad, styrofoam ang ginamit niyang materyales na nasa tatlo hanggang apat na kilo lang ang bigat. Pagkatapos nito, ginuhitan at dinisenyuhan na niyang bahay-kubo.
Ayon kay Ma. Elysse Xandrie Paton Ragandang, Administrative Aide IV ng Malitbog Bukidnon Tourism Office, ang paligsahan ay isang hakbang para palakasin pa turismo sa kanilang lugar.
Ang mga katunggali ni Curambao, gumamit ng mga costume na giant parol, at mga cartoon character gaya nina Pikachu at Super Mario.
At nang si Curambao na ang sumalang, naghiyawan ang mga tao nang matagampay siyang makapag-take-off habang nasa loob ng “flying kubo.”
“Nagsisigawan ‘yung mga tao pag-take off ko, ang dami!” sabi ni Curambao. “Sobrang happy ko eh kasi napalipad ko ‘yung bahay.”
Sa huli, ang flying kubo ni Curambao ang nagwagi sa fun fly category, at nakatanggap siya ng P7,000 na cash prize at tropeo. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment