Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang mag-asawang online seller habang sakay ng kanilang pick-up truck sa Mexico, Pampanga.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, ipinakita ang CCTV footage sa Barangay Sto. Rosario sa pagdaan ng sasakyan ng mga biktima, at nakabuntot sa kanila ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Kasama ng mga biktima sa sasakyan ang kanilang anak at kamag-anak na nasaksihan ang nangyaring malagim na krimen.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng pagbigat sa daloy ng trapiko kaya itinigil ng mga salarin ang motorsiklo.
Bumaba umano ang isa sa mga ito at lumapit sa pick-up truck at pinagbabaril na ang mag-asawang biktima, na kinilalang sina Arvin at Lerma Lulu.
Mayroong beauty product business ang mag-asawa ay aktibo bilang online seller.
Ayon sa awtoridad, anim ang tinamong tama ng bala ni Arvin, at tatlo naman si Lerma. Parehong nakaupo sa harapan ang dalawa, at si Arvin ang nagmamaneho.
Nakaligtas naman ang anim na taong gulang na anak ng mag-asawa, pati na ang menor de edad na kamag-anak.
“Kung ano man po ang reason, dapat ba talaga buhay ang kapalit? Dapat ba talaga maulila ang anak nila?” ayon kay Alyssa Lulu, kapatid ng biktima.
Mayroon na umanong person of interest at saksi ang pulisya sa kaso.
“As to the motive, wala tayong concrete na motive po pero base sa account ng family, it’s either business at may umutang sa kanila,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Joy Gollayan, Mexico Police Station chief.— FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment