Tinangka umano ng isang supervisor ng 17 Chinese nationals na naunang naaresto kamakailan sa scam hub sa Parañaque, na suhulan ng P5.1 milyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) para pakawalan ang mga dayuhan.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago nitong Miyerkoles, inalok ng nagpakilalang supervisor ang NBI agents na pakawalan ang mga dayuhan na kanilang ibinabiyahe kapalit ng P300,000 ang bawat isa sa mga Chinese o kabuuang halaga na P5.1 milyon.
“Tatawag daw siya ng abogado, so pinayagan siyang tumawag. It turned out na ang tinatawagan niya ‘yung mas bossing pa nila at ‘yun nga nag o-offer na ma-release itong 17 tao sa halagang P300,000 each,” ayon kay Santiago.
Sinabi ni Santiago na nagkasa ng entrapment operation ang NBI at nagkunwari na pumapayag sa alok.
Nagdala umano ng Chinese supervisor ng P1.5 milyon para sa paunang grupo ng mga kababayan niya na inakalang pakakawalan.
“During the entrapment operation, minonitor po namin ‘yung galaw nila. After identifying ‘yung vehicle na gagamitin para sunduin ‘yung mga subjects natin, we allowed them to enter itong premises ng NBI para ma-conduct natin at magkaroon tayo ng maayos na pag-entrap,” sabi ng isang NBI agent.
Dahil dito, inaresto rin ang sinasabing supervisor, na ayon kay Santiago ay isinama sa mga isinailalim sa inquest proceeding, kasama ang 17 kababayan niya.
“Nagkamali sila ng offer. Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, this is the second time na may nag-try sa amin mag-bribe at pinaaresto ko kaagad sa ating mga operatiba,” ayon kay Santiago.— Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment