Viral ngayon ang isang pusa dahil sa kaniyang paghingal na tila isang aso sa Davao City.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng nakaaaliw na paghinga ng pusang si Monmon, na fur baby ni Dymple Tacder.
Katabi ni Monmon ang isang aso na pahingal-hingal. Si Monmon naman, nakalabas din ang dila kung huminga.
Ayon kay Tacder, lumaki ang pusa na palaging kasama ang mga aso kaya posibleng ginagaya na rin nito ang mga kilos at pag-uugali ng mga aso.
“‘Yung kinalakihan kasi niya sa bahay puro mga aso. Hindi siya na-expose sa mga pusa. Actually hindi naman talaga siya humihingal nang gano’n. ‘Pag sa bahay, ‘pag naglalaro sila ng mga aso, sometimes mini-mimic niya ‘yung mga aso,” sabi ni Tacder.
Tila complete package na si Monmon sa pagiging aso, dahil ayaw niya na rin ng mga pagkain para sa pusa.
At kung ang ibang pusa ay aktibo sa gabi, mahimbing naman ang tulog ni Monmon kasama ang mga aso.
Katunayan, mas takot pa si Monmon sa mga kapwa niya pusa.
Nakatanggap ng iba’t ibang komento ang video ni Monmon, kung saan ilan ang nagsabing ang paglabas ng dila nito ay sintomas ng stress.
Ngunit sinabi ni Tacder na malusog si Monmon at ang iba pa niyang mga alaga dahil regular ang pagbisita nila sa beterinaryo.
“Ang nangyari lang kasi noon, seconds lang niya kasing ginawa ‘yung pag-pant niya. Then after noon wala na,” sabi ni Tacder.
Sinabi ni Tacder na kasama sa pagiging fur parent ang pagiging responsable sa mga alaga, dahil pangunahin nitong pinupunan ang kanilang mga pangangailangan.
“Alagaan lang talaga sila. Proper food, proper shelter, yearly checkup for the health, tapos yearly vaccines,” anang fur parent. — VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment