Sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na nakatanggap ng sulat ang House Quad Committee mula kay Mylah Roque, na asawa ni dating presidential spokesperson Harry Roque, na magpapa-checkup siya sa Singapore.
Inihayag ito ni Barbers, kasunod ng pagpapalabas ng QuadComm ng arrest order laban kay Mylah dahil sa ilang ulit na pag-isnab sa imbitasyon ng komite kaugnay sa isinasagawang pagdinig sa ilegal na operasyon ng POGO sa bansa.
“Well, I cannot judge kung bakit siya umalis kasi siguro talagang mayroon siyang letter kasi sa amin na sinasabi niya na nagpacheck-up yata siya sa Singapore and mula noon ay hindi na bumalik,” pahayag ni Barbers sa Kapihan sa Manila Bay forum.
“I hope nothing serious is happening to her, kasi sa ganon katagal, we don’t know, we just hope and pray na walang serious medical issue,” dagdag ni Barbers na over-all chairman ng Quad Comm.
Ayon kay Barbers, may mga dokumento nang ipinadala si Mylah pero may mga kailangan pa ring itanong na dapat niyang sagutin kaya kailangan pa rin siyang humarap sa komite.
“‘Yong sinasabi na sinubmit ko na lahat ng dokumento, etcetera. Yes, we do appreciate that, of course. But, the documents will not be able to answer the questions that will be asked. So, I think the members would insist na siya ay mag-attend at sumagot ng questions,” ani Barbers.
Kabilang sa mga nais alamin ng mga mambabatas ang pagpirma ni Myrah sa lease agreement sa isang Chinese, na hinihinalang sangkot sa Pogo hub sa Bamban, Tarlac.
Nitong Martes, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng bansa si Myrah noong September 3.
Bukod sa mga dokumento at itatanong kay Myrah, may mga dokumento rin na hinihingi ang komite sa kaniyang mister na si Harry, kaugnay naman sa biglang paglaki ng kanilang yaman.
Nais ng komite na matiyak na hindi nanggaling sa POGO ang pag-angat ng yaman nina Harry, na ipinapaaresto rin ng mga mambabatas dahil hindi rin dumadalo sa pagdinig.
Parehong hinahanap ng mga awtoridad ang mag-asawang Harry at Myrah.– mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment