2 miyembro umano ng ‘Spider-Man Gang’ na sumampa sa bumibiyaheng delivery van, arestado

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Timbog ang dalawang lalaking mga miyembro umano ng “Spider-Man Gang” na naaktuhang sumasampa sa umaandar na delivery van at tumangay ng mahigit P100,000 halaga ng mga gamit mula sa isang balikbayan box.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ang matinding pagkakakapit ng dalawang suspek sa likod ng closed van na dumaan sa ilang kalsada sa Quezon City.

Hindi namalayan ng driver na nagnanakaw na pala ang mga kawatan, na hindi rin nakunan ng CCTV camera.

Nadiskubre na lamang ng driver ang krimen matapos siyang huminto.

“Pagdating po nila sa lugar na pagka-deliver nila, nalaman nila na wala na ‘yung items ng balikbayan box nila. So, agad silang nag-report sa atin sa police station para humingi po ng police assistance,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, Police Commander ng La Loma Police Station.

Sa Navotas nadakip ang dalawang suspek sa ikinasang follow-up operation ng La Loma Police.

Nabawi mula sa mga ninakaw ng mga suspek ang ilang kagamitan gaya ng sapatos, appliances, at office supplies.

“Ang modus po nila, ito po ay nag-aabang po ng mga delivery truck o mga container van. Kapag nakakita po sila ng tiyempo, ito po ay aakyatin nila. So usually po, nag-aabang po sila sa mga stoplight. So once na po huminto po itong truck na ito, agad po silang sasampa,” sabi ni Casiano.

Sinabi ng Quezon City Police District na dati nang nasangkot sa pagnanakaw ang mga suspek ngunit hindi natutuloy na masampahan ng reklamo dahil umuurong ang mga biktima.

Naharap sa reklamong theft sa kasalukuyan ang mga suspek, bagay na kanilang inamin.

“Dahil po sa pangangailangan,” sabi ng isa sa mga suspek. “Ninanakaw lang po namin. Depende po magkano benta namin.”

“Pangangailangan, para sa panggastos,” sabi ng isa pa sa mga suspek.

–Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*