Apat ang nasawi–kabilang ang isang apat na taong gulang na lalaki–nang madaganan ng isang 16-wheeler truck ang tatlong motorsiklo sa Pasig nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, sinabing tatlo sa mga biktima ay mula sa isang pamilya.
Rider naman ng isa pang motorsiklo ang isa pang nasawi.
Ayon sa pulisya ng Pasig, dalawa pang biktima ang dinala sa ospital dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan.
Samantalang nakalabas na ng pagamutan ang isang rider na biktima rin ng aksidenteng nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko kaninang umaga sa panulukan ng Ortigas Avenue at Lanuza Avenue.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na mabilis na lumiko at tumagilid ang truck na may kargang sako-sakong mga bigas.
Paliwanag ng driver ng truck sa mga awtoridad, nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan.
Mahaharap ang naturang driver sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicides, multiple serious injuries, and multiple damage to property.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend, sinabi ni Police Colonel Hendrix Mangadan, hepe ng Pasig City police, na siyam ang naging biktima sa aksidente na pawang dinala sa pagamutan.
Ilang tao naman ang nakitang pinupulot ang mga bigas na tumapon sa kalsada.
“Puwede pa po ito, rerebesahin lang po, tatanggalin lang po dumi. Sa mahal po ng bigas eh sayang po,” ayon sa isang namulot ng mga bigas. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment